Default Thumbnail

Oil spill sa karagatan ng Or. Mindoro, binabantayan ng PCG

March 1, 2023 Zaida I. Delos Reyes 350 views

BINABANTAYAN ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kalagayan ng oil spill mula sa motor tanker na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel na lumubog sa katubigan ng Naujan, Oriental Mindoro nitong Martes.

Sa pinakahuling ulat ng BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) nitong Miyerkules, na-monitor ang humigit-kumulang anim na kilometrong haba at apat na kilometrong lawak ng oil spillage sa katubigan ng Balingawan Point, Naujan, Oriental Mindoro.

Kinumpirma din ng PCG response team na mula sa pagiging “half-submerged” ay tuluyan nang lumubog ang MT Princess Empress sa naturang katubigan.

Sa kasalukuyan, patuloy ng binabantayan ng BRP Melchora Aquino, katuwang ang Coast Guard Station Oriental Mindoro, Marine Environmental Protection Unit (MEPU)-Southern Tagalog, at M/TUG TITAN, ang pinangyarihan ng insidente para makibahagi sa isinasagawang oil spill assessment at response operation.

Kaugnay nito, pinalipad din ang Coast Guard Aviation Force para magsagawa ng karagdagang aerial surveillance.

Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, ang BRP Melchora Aquino ang naatasan na mag-monitor sa sitwasyon.

“‘Yung ating BRP Melchora Aquino ay nakaantabay at may mga dalang oil spill boom at nakahanda po. May instruction si [PCG commandant] Admiral [Artemio] Abu na i-monitor at gawin ‘yung tamang oil spill procedure para sakaling magkaroon ng tagas ay nakahanda po tayo,” pahayag ni Balilo.

Isa pang barko mula sa PCG naval station sa Batangas ang idineploy sa area upang tumulong.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Balilo na wala namang panganib sa marine ecosystem ang diesel fuel.

“Nagdi-dissipate kaagad ‘yan under the heat of the sun tsaka kapag nahahampas ng alon ‘yung small particles niya natutunaw agad,” pahayag ni Balilo.

Sa ngayon aniya ay hindi pa mabatid ang eksaktong lokasyon ng lumubog na tanker.

Sa sandaling masiguro umano ang lokasyon ng tanker ay isusunod agad ang salvage operation na isasagawa ng may-ari ng barko sa tulong narin ng PCG at iba pang stakeholders.

“Kailangang tanggalin kasi any time puwede itong tumagas at mag-cause ng environmental catastrophe,” pahayag ni Balilo.

Ayon sa ulat, nailigtas ng mga nagdaraang foreign vessels ang 20 pasahero ng MT Princess Empress bago ito tuluyang lumubog.

Pinayuhan na rin ng mga awtoridad ang mga residente na huwag munang lumapit sa pinangyarihan ng insidente.