Inton Si Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) habang nagpapaliwanag sa ginawang press conference sa Quezon City. Photo courtesy of LCSP

Oil price hike, ‘time out!’

March 10, 2022 Jun I. Legaspi 399 views

ITO ang sama-samang “SIGAW” ng lahat ng nagsama-samang mga transport group at commuter groups upang itawag pansin at kumilos agad ang gobyerno sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng petroleum products lalo na ang diesel.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) isa sa mga 50 transport at commuter leaders na kasama sa ginawang panawagan, suportado ng kanilang grupo ang panawagan suspindihin na ang “excise tax” sa petroleum products para makatulong sa transport at commuter groups.

Hiniling ni Inton sa Kongreso na magpulong agad at sa maikling panahon ay desisyunan ang pagsuspindi sa excise tax.

Hinikayat din ni Inton ang mga mambabatas na gumawa rin ng iba pang mga alternatibong hakbang na agad na ipatutupad upang matulungan ang mga sector ng transportasyon at komyuter bilang “win-win” solution para sa lahat.

Nilinaw naman ni Inton na hindi sila sang-ayon sa mataas na dagdag na pamasahe at tigil-pasada dahil mauuwi lang na ang commuters ang kawawa.

Naniniwala si Inton na may “win-win” solution ang Kongreso at gobyerno dito dahil kapag tumaas ang pamasahe o nagtigil biyahe ang mga transport group wala ibang kawawa kundi ang mga mananakay.

Ayon naman sa mga transport group leaders na dumalo sa press conference, sa susunod na mga araw ay magdedesisyon sila kung magsasagawa sila ng tigil-biyahe kung tuluyang tumaas pa ang presyo ng petrolyo at hindi maibigay ang hiling nilang dagdag pasahe.

AUTHOR PROFILE