
Ogie, pumalag sa pagmumura at pagbabanta ng ama ni Liza!
Sinagot ni Ogie Diaz ang pagmumura ng ama ni Liza Soberano na si John Soberano sa kanila ni Cristy Fermin.
Sa latest vlog ni Ogie ay ipinakita niya ang screen shot ng burado na ngayong post ng tatay ni Liza.
Sa naturang post ay minura niya sina Ogie at Nanay Cristy ng “PI” at nagbanta na may gagawin siyang live feed at may sasabihin tungkol sa dating manager ni Liza.
Takang-taka si Ogie kung bakit biglang nag-post ng ganito ang tatay ni Liza gayung hindi na nga napag-uusapan ang aktres lately.
“‘Pinakialaman namin ‘yung buhay n’yo Daddy recently? Ang pinag-uusapan na ngayon at pinag-uusapan ng buong mundo ay ‘yung pagtatapos ng relasyon ng KathNiel. Asan ka doon? Asan ang anak mo ‘dun? O, ikaw magsabi, asaan?” sey ni Ogie.
Tungkol sa panakot na ‘live’ ng ama ni Liza, ani Ogie ay hindi siya natatakot.
“Ba’t siya magla-live, ito nga binura niya,‘yung kanyang announcement na siya ay magla-live. Ano naman ‘yang ‘live’ na sasabihin mo?
“Ako, wala akong dapat na ikatakot kung anuman ‘yang ila-live mo. Hihintayin ko ‘yung pagla-live mo, Daddy John at hintayin mo rin ‘yung aking sagot sa magiging live mo.
“’Du’n lang ako dedepende. Hindi na ako magkukuwento pa ng mga nakaraan nu’ng nag-uumpisa pa lang si Liza,” seryosong pahayag ni Ogie.
Narito naman ang mensahe niya sa ama ni Liza:
“Diyos ko naman Daddy o, ang dali-dali mong makalimot. Ano ba, mag-iisa-isahan ba tayo, mag-e-enumerate ba tayo ng nagawa nating kabayanihan sa isa’t isa? Gusto mo ba ganu’n? Eh, di isama mo ‘yan sa ‘live’ mo.”
Sey pa niya, “Unang-una daddy, gusto ko kayong ibalik sa nakaraan. Hindi ko naman sinasabing naghihirap kayo, pero wala rin naman kayo nu’ng araw. Si Liza lang talaga ang nagtaguyod sa inyo. Ikukuwento ko pa ba kung ano ‘yung mga sinapit ni Liza noong araw? Kung ano ‘yung journey ng hardship ni Liza para lang maabot ang pangarap niya?”
Bwelta pa ni Ogie, hindi maganda para kay Liza ang mga ikinukudang ito ni Daddy John kaya payo niya rito na isipin muna bago mag-post.