Raffy Tulfo

OFWs ‘wag paasahin sa wage claims–Tulfo

August 18, 2023 PS Jun M. Sarmiento 211 views

DISMAYADO si Sen. Raffy Tulfo sa kabiguan ng Department of Migrant Workers (DMW) na magbigay ng tiyak na timeline hinggil sa pagpapalabas ng hindi pa nababayarang wage claims ng 10,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Saudi Arabia.

Sa isinagawang organizational meeting ng Congressional Oversight Committee on Migrant Workers noong August 17, nag-followup ang senador tungkol sa naunang anunsyo ni Migrant Workers Secretary Susan Ople na nasa Ministry of Finance na ng Saudi ang pondong pambayad sa unpaid wage claim ng mga OFW.

Sinabi ni DMW Acting Sec. Bernard Olalia na nangako na si Crown Prince Mohammed bin Salman na malapit nang iproseso ng Sauidi ang mga hindi nabayarang claim ng mga manggagawa ngunit nabigo siyang magbigay ng eksaktong petsa.

Sa kabilang banda, sinabi ni Foreign Affairs Usec. Eduardo de Vega na sa unang bahagi ng taong ito, sinabi na nila na hindi makatotohanang asahan ang pagbabayad ng nasabing mga claim anumang oras sa lalong madaling panahon.

Dahil dito, sinabi ni Tulfo sa DMW na itigil na ang pagbibigay ng “false hopes” sa mga OFW sa pamamagitan ng maagang pag-anunsyo ng hindi na-verify na impormasyon sa media.