Bong Go NAPALUHA ang isang may kapansanang senior citizen matapos yakapin at alayan ng tulong ni Senator Bong Go nang bumisita ang mambabatas sa Navotas City para umayuda sa mga mahihirap na residente.

OFW Ward bill inihain ni Bong Go sa Senado

August 24, 2023 People's Tonight 213 views

INIHAIN ni Senador Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 2414 na nagsusulong sa kapakanan at pangangailangang medikal ng overseas Filipino workers (OFWs).

Kung magiging batas ang panukala, itatayo ang mga OFW ward sa bawat ospital sa ilalim ng Department of Health (DOH) sa buong bansa.

Idedetermina ng DOH ang bilang ng kama sa OFW Wards base sa distribution ng OFWs sa kani-kanilang catchment areas.

Sasaklawin ng batas ang lahat ng OFW at ang kanilang dependent, kabilang ang land-based OFWs, seafarers, at iba pang sea-based na manggagawa.

Ang mga dependent ay tumutukoy sa magulang, legal na asawa, lehitimo, hindi lehitimo, legal na ampon na walang asawa, at hindi higit sa 18 taong gulang, o lampas sa 18-anyos ngunit walang kakayahan dahil sa mental o pisikal na mga depekto.

Iaatas ng batas ang koordinasyon ng DOH at ng Department of Migrant Workers (DMW), kasama ang iba pang departamento at ahensya ng gobyerno, local government units (LGUs) upang maglatag ng regulasyon sa pagpapatupad nito.

“Ang mga OFW ay ating mga modernong bayani, at ang kanilang kapakanan ay isang prayoridad para sa ating bansa,” ani Go.

Sa pamamagitan aniya ng mga ward na nakatuon sa OFWs, tinitiyak ang agaran at mahusay na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan ng mga ito.

“Hindi lang ito panaginip kundi isang commitment sa ating OFWs,” anang senador.

Nauna nang natupad ang pangako ni Go sa mga OFW sa pagtatayo ng isang dedikadong OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga.

Sa pamamagitan ng kanyang inihain na Senate Bill No. 2297, hinahangad naman niya ngayon na ma-institutionalize ang ospital para matiyak ang pangmatagalang operasyon nito.

Ang ospital na donasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga, ay nagsimulang mag-operate noong Mayo 2022. Ito ay may 6 palapag at kapasidad na 100 kama.

Samantala, nagpahayag ng taos-pusong pakikiramay si Sen. Go sa hindi napapanahong pagpanaw ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan ‘Toots’ Ople na nagtaguyod ng mga karapatan at kapakanan ng mga migranteng manggagawa.

Sa kanyang co-sponsorship speech nitong Miyerkoles, pinuri ng senador ang alaala at legasiya ni Ople, na ang dedikasyon sa pagpapabuti ng buhay ng OFWs ay nag-iwan ng marka sa bansa.

“Kapag narinig niyo po ang pangalan ni Sec. Toots Ople ay talagang nako-connect po iyan sa ating OFWs.”

“Secretary Toots Ople, the inaugural Secretary of the DMV, stood as a symbol of hope and a genuine patriot,” ani Go.

Sinabi ng mambabatas na ang sigasig ni Ople para sa katarungang panlipunan at mga karapatan ng migranteng manggagawa ay nag-ukit ng permanenteng marka sa ating lipunan.

Si Go ay isa sa nag-akda at co-sponsor ng bersyon ng Senado na Republic Act No. 11641 na lumikha sa DMW.

AUTHOR PROFILE