Default Thumbnail

OFW Tulong at Serbisyo Center bukas na sa Ayala Malls Manila Bay

February 13, 2023 Marlon Purification 668 views

Marlon PurificationMAYROON nang malalapitan at mahihingan ng tulong ang mga bayaning Overseas Filipino Workers (OFWs) sa bansa.

Ito’y matapos panisayaan kamakailan ang OFW Tulong at Serbisyo Center na nasa Ayala Malls Manila Bay sa Macapagal Avenue, Paranaque City.

Handog ito ni OFW Partylist Rep. Marissa del Mar P. Magsino bilang pagtalima sa ipinangako noong kampanya na magkakaroon ng ‘One Stop Shop’ para sa mga OFW na nangangailangan ng tulong sa pamahalaan.

“Ang mga services na mayroon dito ay hospitalization, burial, medical assistance pati na rin scholarship para sa mga anak ng OFW. Antayin ninyo dahil maglalabas na rin po ng hotline para matawagan ng mga OFW 24-7,” ani Magsino.

‘Bukas ito hindi lang sa mga OFWs, kundi pati na rin sa kanilang mga dependents dahil sila ang tunay na dahilan kung bakit nagtatrabaho sa labas ng bansa ang mga OFWs dahil tunay nilang mahal ang kanilang pamilya,” wika pa ng kongresista.

Dagdag pa ni Magsino, magbibigay din sila ng libreng training para sa mga OFW na higit magpapaunlad sa kaalaman at kahusayan ng mga kababayang nagtatrabaho sa abroad.

Katuwang ng OFW Partylist sa paglulunsad ng OFW Tulong at Serbisyo Center ang Department of Migrant Workers (DMW), Department of Finance (DoF), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Overseas Workers Welfare and Administration (OWWA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at maging ang 19th Congress ng House of Representatives.

“Maganda ito. Pinag-isa ang serbisyo ng iba’t ibang ahensiya at malapit pa ang OFW Tulong at Serbisyo Center sa Ninoy Aquino International Airport,” ani House Minority Leader Marcelino Libanan.

“Napakalaking bagay nito para sa ating mga OFW kaya binabati ko si Cong. Marissa del Mar sa pagkakaroon ng ganitong uri ng proyekto,” sabi naman ni Paranaque City Mayor Eric Olivarez na tulad ni Libanan ay sumaksi rin sa pagpapasinaya nitong nakalipas na Miyerkules.

Bukod sa dalawang opisyal, dumalo rin sa ‘inaguration’ si House Secretary General Reginald Velasco na representate ni Speaker Martin Romualdez.

Present din sa nasabing okasyon sina PCSO Chairman Junie Cua, USec. Hans Leo Cacdac at USec. Bernard Olalia of the DMW, OWWA Administrator Arnell Ignacio; USec. Rowena Niña Taduran ng DSWD, USec. Juan Victor Llamas ng DILG, gayundin ang inyong abang lingkod.

Dalawang OFWs na tinulungan ni Magsino na ma-repatriate pabalik ng bansa ang naging bahagi ng makasaysayang ‘ribbon-cutting’ ng OFW Center.

“We always say we hail our OFWs for their sacrifices, but we must match our pronouncements with actions. The OFW Party List, in cooperation with Buhay OFW Foundation, built our OFW Tulong at Serbisyo Center to let our OFWs truly feel our sincerity in valuing them, our seriousness in helping them, and eagerness in treating them as ‘mga bida ng ating bayan’,” sabi pa ni Magsino.

Idinagdag ng masipag na kongresista na maging ang Public Attorneys Office (PAO) ay magbibigay din ng legal assistance online, maging ang Supreme Court of the Philippines.

Sa ganang akin, napakagandang proyekto ito para sa makabagong bayani ng bansa.

Naniniwala tayong sa pamamagitan ng ‘one stop shop’ na OFW Tulong at Serbisyo Center ay mapapadali na ang pag-asikaso ng mga namomoblemang OFW sa bansa.

Alam nating lahat na sa pagkuha pa lang ng mga requirements ng mga OFWs ay malaking abala na para sa kanila. Bukod sa pabalik-balik ay malaki rin ang ginugugol nilang gastusin.

Marami ring OFWs ang hindi malaman kung saan dudulog ng mga nais nilang tulong at suporta, samantalang sa OFW Tulong at Serbisyo Center ay kagyat silang maaasikaso ng masisipag na staff ni Congresswoman Marissa del Mar Magsino.

Malaking bagay din ang ginawang pagpayag ng Ayala Malls sa Manila Bay na doon ilagayn ang ‘serbisyo center’ ng kongresista dahil bukod sa malapit sa Airport ay ‘fully airconditioned’ pa ito.

Umaasa tayong sa mga darating na araw ay magkaroon na rin ng sariling complaint desk ng Philippine National Police (PNP) sa naturang ‘serbisyo center’ dahil may mga reklamo rin ang mga OFW na kinakailangan ng agarang tulong mula sa ating mga alagad ng batas.

Congratulations Cong. Marissa sa napakagandang proyektong ito. Mabuhay ang OFW Partylist at mabuhay ang mga kababayan nating OFW!!