OFW tinamaan ng COVID at na-stroke umaapela ng tulong na makauwi sa Pinas

June 7, 2021 Marlon Purification 2015 views

Marlon PurificationSA araw-araw na buhay ng ating mga kababayan na nagtatrabaho sa ibayong dagat, kakambal nila ang iba’t ibang panganib lalo ngayong panahon ng pandemya.

Ang ibang mga nakauwi bago ang pandemya ay masasabi nating maswerteng malas dahil nakasama nila ang kanilang pamilya sa panahon ng krisis bagama’t hikahos sa paghahanap ng mapagkakakitaan.

Isa sa mga kababayan natin na tinamaan ng dagok dulot ng pandemya ang nangangailangan ngayon ng pagkalinga ng ating gobyerno lalo na ng mga opisyal nating pagmamalasakit at pagmamahal sa mga bagong bayani ang palagiang bukambibig.

Ang pamilya ni Ginoong Laureano Genove Escalona Jr ay kumakatok ngayon sa ating gobyerno upang makabalik na sa ating bansa makaraang makaranas ng matinding pagsubok sa kanyang kalusugan.

Si Ginoong Escalona ay pumasok sa Military Industries Corporation sa Riyadh, Saudi Arabia subalit tinamaan ng COVID noong July 8, 2020 at na-confine sa Military Al Kharj Hospital.

Bagama’t nalagpasan ng ating kababayan ang epekto ng COVID ay na-cardiac arrest naman ito at hanggang ngayon ay nasa pagamutan pa o tumatakbo na ng 11 buwan na nakaratay.

Subalit sa impormasyon sa atin ay binigyan na ito ng mga doctor at mga nurses po ng sertipikasyon ng ‘fit to travel’ bagama’t ang status niya ngayon ay hindi makagalaw ang katawan.

Sa rekomendasyon ng kanyang mga doktor, kinakailangang sumailalim ang OFW sa therapy na hindi na kaya ng kanyang pamilyang balikatin.

Ang prayoridad ng kanyang pamilya ay maiuwi na ang kanilang mahal sa buhay at dito na lamang sa Pilipinas ipagpatuloy ang kanyang gamutan subalit dahil sa kakapusan sa panggastos ay hindi na rin alam ng mga ito saan pa dudulog.

“Marami na po kaming hiningan ng tulong pero hanggang ngayon po wala tumutulong. Sana po matulungan nyo po kami para makasama pa po namin ang tatay namin. Maraming salamat po,” apela ng mga anak ni Escalona.

Ang pamilya ni Ginoong Escalona ay isa lamang sa halimbawa ng mga pamilya ng mga OFW na nahihirapan saang tanggapan nga ba ng gobyerno sila lalapit sa panahon ng mga ganitong krisis.

Ito ay dahil na rin sa dami ng mga ahensyang namamahala sa mga OFW o mga manggagawang Pinoy sa ibayong dagat na maaaring magtuturuan din ng responsibilidad.

Kaya naman patuloy ang pagsusulong ng ating mga mambabatas na magkaroon na ng Department for Migrant Workers and Overseas Filipinos kung saan pag-iisahin ang lahat ng ahensyang may kinalaman ang tungkulin sa kapakanan ng ating mga OFW.

Bagama’t certified as urgent ang Senate Bill 2234, naabutan naman ito ng sine die adjournment sa Senado at mangangailangan pa ng paghihintay ng ilang panahon bago ito tuluyang maipasa.

“It is not our intention to push for Filipinos leaving their country, home and family just to work abroad. It is our goal to provide our fellow Filipinos with the necessary and adequate support they need in overcoming the difficult predicaments they encounter overseas; not of their own choice, but as brought about by what has become unavoidable desperate necessity,” pahayag ni Senador Joel Villanueva na siyang pangunahing sponsor ng panukala.

Sa ngayon, kaisa tayo ng pamilya ni Ginoong Escalona na humihingi ng tulong sa ating gobyerno upang agad na itong maiuwi sa bansa at maipagamot.

Kasabay din nito ang ating apela na tuluyan nang maaprubahan ang pagkakaroon ng isang departamento para sa ating mga kababayan sa ibayong dagat upang hindi na rin sila nahihirapan sa pag-apela sa iba’t ibang ahensya at iba’t ibang tao sa panahon ng problema.