Official ballots ba ang mga nasa FB pages ng kung sinu-sino?
Ano na ba ang nangyari sa preparasyon ng Comelec sa ating paparating na eleksiyon?
Tandang-tanda natin noong minsang makasama ang aking team sa nag-obserba ng imprentahan ng balota sa National Printing Office sa Diliman, Quezon City, mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas. Sobrang sagrado ng proseso at sobrang taas ng seguridad para sa mga election paraphernalias.
Sa lahat ng dadaanan mo, may mga Marines, bukod pa ang security guard ng NPO. Halos limitado ang kilos ng mga observers, maraming off limits na lugar.
Kapkap dito, kapkap doon ang nangyayari sa pagpasok at paglabas ng compound para matiyak na totohanang inoobserba ng lahat ang istriktong pag-iimprenta ng mga balotang gagamitin sa paparating na halalan. Kahit spoilage o mga scrap sa imprenta ng balota, bawal ilabas.
Gusto nating tanungin si Chairman Garcia kung ganoon pa rin ba kasagrado ang pagtrato natin sa mga balotang gagamitin sa May elections ngayong taon.
Mukhang hindi na kasi, kahit saang FB pages ako mabaling, may kanya-kanyang posting ang kung sinu-sino ng mga naimprentang balota.
Hindi sample ballot ang mga ipinakikita nila, mga official ballots.
Paanong nangyari na napunta sa kamay ng kung sinu-sino ang mga kopya ng balota? Kung hindi man physical na nahawakan o nailabas sa printing area ng mga nag-post ang officials ballots, bakit pinayagan silang makunan ito ng pictures?
Kasama ang camera sa ipinagbabawal na bitbitin ng sinumang kinatawan ng political party sa loob ng imprentahan ng balota. Kaya hindi ko maunawaan kung ano ang nangyayari sa ating paghahanda sa eleksiyon kung ganito kaluwag ang pag-iingat sa ating mga balota.
Nanawagan tayo sa Comelec na maglabas ng opisyal na pahayag at sabihin sa ating lahat na ang mga nagkalat na kopya ng balota sa FB pages ay mga peke at hindi iyon ang gagamitin sa paparating na halalan.
Nakakabahala ito kapag opisyal na balota ang mga nakikita natin, lalo na’t ang ibang naglalabas sa kanilang mga FB pages ay mga official candidates.