Lopez

Occupancy sa mga establisimyento, dinagdagan ng pamahalaan

October 26, 2021 People's Tonight 311 views

BATAY sa ipinalabas na pinakahuling joint guidelines mula sa limang ahensiya ng pamahalaan, bibigyan ng karagdagang 10 porsyentong operational o venue capacity ang mga establisimyentong pang-negosyo na pinayagang magbukas sa kanilang mga lokalidad at nakatanggap ng Safety Seal certificates.

Ito ay nakapaloob sa pinakahuling direktibang “Supplemental Guidelines Relative to the Implementing Guidelines of the Safety Seal Certification Program” na nilagdaan ng mga pinuno ng Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Tourism (DOT), at Department of Trade and Industry (DTI) noong Oktubre 1, 2021.

Ayon kay DTI Secretary Ramon M. Lopez, ang pagtaas sa pinapayagang occupancy ay naglalayong hikayatin ang mga negosyo na mag-aplay ng Safety Seal at palakasin ang health protocol sa kanilang mga establisimyento at lugar-paggawa.

“Ang Seal na ito ay isa sa mga hakbangin ng pamahalaan sa muling pagbubukas ng ekonomiya sa ilalim ng ‘new normal’ upang madagdagan ang oportunidad sa trabaho sa pamamagitan ng pagbubukas ng negosyo,” dagdag ni Secretary Lopez.

“Maaaring ikonsidera ang contact tracing application ng lokal na pamahalaan at ang iba pang contact tracing application bilang kapalit ng StaySafe.PH habang isinasaayos pa ng DILG ang integrasyon ng StaySafe.PH sa iba pang contact tracing application.

Ipinahayag naman ni Secretary Eduardo M. Año na kung walang StaySafe.ph digital contact tracing ang mga establisimyento o opisinang nag-aaplay ng Safety Seal Certification, ang kasalukuyan nilang ginagamit na LGU-mandated application ay maaaring ikonsidera.

“Prinoproseso ngayon ng DILG ang integrasyon ng StaySafe.ph application sa iba pang umiiral na application na pinasimulan ng mga lokal na pamahalaan upang epektibong makontrol ang pagkalat ng Covid-19,” wika ni Secretary Año.

Nakasaad sa supplemental guideline ang pagtatalaga sa DOLE at LGU bilang issuing authority para sa mga kompanya sa Information Technology and Business Process Management (IT-BPM) at dental clinic, ayon sa pagkakabanggit.

Bilang karagdagan, iniaatas din sa supplemental guideline ang pagtatalaga ng mga establisimyento ng Safety Officer na mamamahala sa pagpapatupad ng public health standard sa kanilang mga lugar.

“Mahalaga ang papel ng ating mga safety officer sa pagpapalakas ng pangkalahatang produktibo ng ekonomiya ng ating mga kompanya. Kapag ang mga manggagawa ay nakatitiyak sa kanilang kaligtasan at kalusugan sa kanilang lugar-paggawa, tataas din ang kalidad ng kanilang pagtatrabaho at pagiging produktibo,” pahayag naman ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III.

Ang mga Safety Officer na hindi pa sumasailalim sa kinakailangang pagsasanay sa occupational safety and health (OSH) ay maaaring magsanay ng libreng OSH training na ibinibigay ng DOLE o ng alinmang DOLE-accredited training organizations.

Ang Safety Seal ng tourism-oriented business at venue, bukod pa sa akreditasyon ng DOT, ay nagpapalakas sa pagsisikap ng pamahalaan na muling buhayin ang industriya ng turismo, isa sa sa mga sektor na matinding tinamaan ng pandemya, ani Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat.

“Ang mga bagong alituntuning ito sa Safety Seal certification program ay nagpapataas sa kumpiyansa ng publiko na tangkilikin ang mga establisimyentong pang-turismo na sumusunod sa health protocol na tumitiyak sa kalusugan at kaligtasan ng lahat ng kinauukulan,” dagdag ni Secretary Puyat.

Nakasaad din sa supplemental guideline ang listahan ng mga health protocol tulad ng tamang pagtatapon ng face masks gamit ang mga signage sa mga itinalagang pasilidad.

Hinihikayat din ng pamahalaan ang mga may-ari ng establisimyento at lugar-paggawa na may mga air-conditioner na maglagay ng carbon dioxide detector upang mas masubaybayan ang kasapatan ng bentilasyon.

Para sa karagdagang impormasyon ukol sa Safety at ang mga kaukulang proseso ng aplikasyon mula sa mga ahensiya, maaaring bisitahin ang mga sumunsunod na microsite:

DILG/LGU: https://safetyseal.dilg.gov.ph/

DOLE: https://bwc.dole.gov.ph/safetyseal

DOT: https://philippines.travel/accreditation/safetyseal

DTI: https://dti.gov.ph/safetyseal

AUTHOR PROFILE