Default Thumbnail

Obrero timbog sa kasong pagpatay

August 26, 2022 Jonjon Reyes 293 views

NAUWI muna sa walang humpay na habulan bago nakorner ng mga tauhan ng Malate Police Station 9 ng Manila Police District (MPD) ang isang 25-anyos na construction worker dahil sa kasong pagpatay matapos matimbog sa pinasukang bahay sa Makati City, Huwebes ng hapon.

Ayon kay P/Brigadier General Andre P. Dizon, MPD director, ang binatang suspek ay tubong Purok 30 Marketsite, MAA, Davao City at kasalukuyang stay-in sa barracks ng isang construction site sa Makati City.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Salvador Tangdol, commander ng MPD Station 9, pasado alas 12:50 ng hapon nang bitbitin ang suspek mula sa loob ng isang bahay sa Casino St., Barangay Palanan, Makati.

Nang aarestuhin na sana ang suspek dala ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Magdoza Malgar ng Regional Trial Court Branch 19 ng Maynila na may petsang Nobyembre 9, 2021 dahil sa kasong homicide ng Revised Penal Code Article 249 (Service of Sentence) ay bigla umano itong nagpumiglas at tumakbo palayo sa mga operatiba kung kaya’t nagkaroon ng umaatikabong habulan.

Nakakita umano ng bukas na pintuan ang suspek kung saan ito pumasok sa loob ng bahay at doon na rin siya nakorner ng mga operatiba na walang nadamay o nasaktan sa nasabing tahanan.

Batay sa pulisya, naglulungga ang suspek dahil sa umano’y nakapatay ito sa kanilang lalawigan at nagtago ito sa Maynila at nagtrabaho bilang construction worker.

AUTHOR PROFILE