
Obrero nakitagay, nakitang bangkay
MASUSING sisiyasatin ng pulisya ang pagkakatuklas sa bangkay ng isang construction worker na natagpuang nakahandusay sa balkonahe ng isang bahay sa Barangay Bagong Silang Miyerkules ng madaling araw sa Caloocan City.
Huling nakitang buhay ng kanyang mga kaanak ang biktimang si Julius Roxas, 48, residente ng Robis 2, Brgy. 175 noong Martes ng gabi habang nakikipag-inuman sa Barangay 176 Bagong Silang bago natuklasan ang kanyang bangkay Miyerkules ng alas-2:40 ng madaling araw sa bukas na balkonahe ng bahay ng testigong si Loreene John Delgado, 27, sa Phase 4, Package 2, Block 17, Lot Excess, Brgy. Bagong Silang.
Sa tinanggap na ulat ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nakatanggap ng mensahe si Delgado sa kanyang asawa kaugnay sa bangkay ng isang lalaking nakahandusay sa kanilang balkonahe kaya’t kaagad siyang nagtungo rito at dinatnan ang wala ng buhay na biktima.
Kaagad na inireport ni Delgado sa pulisya ang pagkakatuklas sa bangkay at dito nakita ni P/Lt. Noel Barnedo ng Police Sub-Station 12 ang isang malalim na saksak sa kaliwang dibdib ng biktima na posibleng sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sinabi ni Col. Lacuesta na nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga tauhan ng Sub-Station 12 at Investigation Unit ng North Extension Office (NEO) upang matukoy kung sino ang may kagagawan at ano ang motibo sa pagpaslang sa biktima.