Crime

OBRERO KINATAY DAHIL SA SELOS

July 31, 2023 Edd Reyes 292 views

Sa harap ng ka-live in

MATINDING panibugho ang nagbunsod sa isang lalaki upang pasukin sa bahay at pagsasaksakin ang construction worker na karelasyon ng dati niyang kasintahan Linggo ng hatinggabi sa Malabon City.

Isinugod pa sa Ospital ng Malabon ang biktimang si Regin Brabonga, 40, bago inilipat sa sa Tondo Medical Center sanhi ng mga matinding tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, subalit idineklarang patay na pagdating sa naturang pagamutan dakong alas 12:28 ng madaling araw ng Lunes..

Kasalukuyan namang tinutugis na ng mga tauhan ng Malabon Police Station ang suspek na si Jim Boy Rodriguez, nasa hustong edad at residente ng Pamasawata Landaska, Brgy. 38, Caloocan City na mabilis na tumakas makaraan ang ginawang pamamaslang.

Sa ulat na ipinarating ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-12 ng hatinggabi nang puwersahang pasukin ng suspek na armado ng patalim sa loob ng kanyang bahay sa Block 4 Kadima, Letre Road, Brgy. Tonsuya ang biktima at kaagad na tinarakan ng sunod-sunod na saksak sa katawan sa harap mismo ng kanyang live-in partner na si Irene Soria, 39.

Hindi naman sinaktan ng suspek ang kinakasama ng biktima at mabilis na tumakas nang duguan ng bumulagta ang biktima.

Sa ipinadalang text message ni P/SMS Julius Mabasa, may hawak ng kaso, love triangle aniya ang dahilan ng ginawang paglusob ng suspek sa bahay ng biktima dahil dati nitong kasintahan ang kasalukuyang live-in partner ng napaslang.

Iniutos na ni Col. Tangonan ang malawakang paghahanap sa suspek na hindi na natagpuan sa kanyang tirahan sa Caloocan.

AUTHOR PROFILE