Obrero grinipuhan sa QC, patay

April 3, 2022 Melnie Ragasa-limena 161 views

PATAY ang isanv 24-anyos na construction worker nang ilang ulit na pagsasaksakin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng kaniyang nakaalitang kamag-anak na kasama niya sa inuupahang boarding house sa Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw.

Ang biktima ay nakilalang si Anthone Marfil Babiera, 24, binata, construction worker, tubong Negros Occidental at residente ng 70 Gumamela St., Brgy, Roxas District, Quezon City, habang nakatakas naman ang kaanak na suspek na si Roger Canja Galvez, 41, na isang electrician.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police Dsitrict (CIDU-QCPD), bandang 5:30 ng madaling araw (April 3), nang isagawa ng suspek ang pananaksak sa loob mismo ng boarding house nila ng biktima habang wala ang iba pa nilang mga boardmates.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Isaias De Pedro II ng CIDU, nadiskubre lamang na patay na ang biktima nang dumating ang iba pa nilang boardmates na galing sa kanilang mga trabaho.

Napag-alaman ng mga pulis mula sa mga boardmates na ang biktima at ang kamag-anak nitong si Galvez ay matagal nang may alitan na posibleng may kagagawan nang pananaksak dahil hindi na ito mahagilap.

Nakasamsam naman sa crime scene ang SOCO Forensic Unit na pinamumunuan ni PMSg Godfrey M Lustado ang isang Vivo Cellular Phone na pinaniniwalaang pag-aari ng suspek.

Patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek upang malaman ang motibo sa ginawa nitong pananaksak sa kaniyang kaanak.