Obrero ginilitan, nakipagbuno sa lasing na suspek, buhay

October 5, 2021 Edd Reyes 230 views

MUNTIK ng mabingit sa kamatayan ang 39-anyos na obrero matapos siyang gilitan ng leeg ng kapitbahay na may matagal na umanong nagkikimkim ng galit sa kanya Lunes ng hapon sa Malabon City.

Kung hindi naagapan ni Joel Robles, residente ng 86 Women’s Club St. Brgy. Hulong Duhat ang patalim na ginamit na panggilit sa kanyang leeg ng kapitbahay na si Ricky Boy Bernal, 37, pedicab driver at residente rin sa naturang lugar, malamang na pinaglalamayan na ang biktima ng kanyang mga kaanak.

Sa ulat nina P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt. Michael Oben kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nakaupo at nagpapahinga sa isang upuan sa Talabahan St. Brgy. Hulong Duhat si Robles dakong alas-3 ng hapon nang mula sa kanyang likuran ay sumulpot ang lasing na suspek na armado ng patalim at tinangkang gilitan ang leeg ng biktima.

Bagama’t humiwa na ng bahagya sa kanyang leeg ang patalim, nagawa pa rin ni Robles na makipambuno sa suspek na nakatawag pansin kina Jayson Ramos at Danny Espiritu, kapuwa mga nagrorondang barangay tanod, kaya’t mabilis na tumakas si Bernal.

Hinabol ng mga tanod si Bernal subalit dahil nasa ilalim ng impluwensiya ng alak, madali rin siyang nasukol at mabawi sa kanya ang ginamit na patalim na may bahid pa ng dugo habang isinugod naman sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima na nagtamo ng bahagya lamang na hiwa sa kanyang leeg.

Kasong Attempted Homicide and kinakaharap ngayong kaso ng suspek sa piskalya ng Malabon City.

AUTHOR PROFILE