MPD

Obrero binaril ng kapitbahay, patay

October 17, 2022 Jonjon Reyes 382 views

NAMATAY habang inoobserbahan sa Ospital ng Maynila ang isang 48-anyos na construction worker, makaraang barilin ng kanyang kapitbahay habang bumibili sa isang street food cart sa Malate, Maynila iniulat ng pulisya.

Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation ng mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, commander ng Manila Police District (MPD) Malate Police Station 9 sa suspek na kapitbahay umano ng biktima.

Batay sa ulat na nakarating kay PLt. Dennis Turla, hepe ng MPD Homicide Section, bandang 1: 45 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa biktima sa harapan ng isang food cart sa Barangay 712 Zone 78 sa Malate.

Ayon sa naging salaysay ng isang testigo, nakatayo umano ang biktima, nang lumapit ang suspek na armado ng baril.

Dito patraydor na binaril ng suspek ang likurang bahagi ng katawan ng biktima.

Naisugod naman sa nasabing pagamutan ang biktima subalit dakong 6:53 ng gabi nang ideklara itong patay ng attending physician.

Gayunman, ang bangkay ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue, habang patuloy na tinutugis ang tumakas na suspek.

AUTHOR PROFILE