Default Thumbnail

Nueva Tienda inilunsad sa Maynila

November 17, 2022 Edd Reyes 193 views

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang paglulunsad ng Nueva Vizcaya Tienda-Farm to Market Partnerhip, Huwebes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan.

Ayon sa alkalde, ang dalawang araw na kaganapan na nagtatampok sa mga produktong agrikultura mula sa Nueva Ecija, partikular ang mga sariwang prutas at gulay ay hindi lamang makakatulong sa mga magsasaka ng naturang lalawigan kundi maging sa mga Manilenyo dahil makakabili sila rito ng mga murang halaga ng paninda.

”Ito po ay isang proyektong isinusulong ng Kagawaran ng Agrikultura at tamang-tama poi to kasi, kung mapapansin ninyo sa merkado, kahit sa ating mga pamilihan dito sa Maynila, unti-unting tumataas ang presyo ng ating mga pangunahing bilihin, isa na po doon ay gulay kaya kunin na po natin ang magandang pagkakataong ito na makabili tayo ng sariwa at the same time, sa mababang halaga,” pahayag ni Mayora Dr. Lacuna-Pangan.

Sa kanya namang pahayag, sinabi ni Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla na ang kanilang mga dalang paninda, tulad ng sariwang gulay, ay mabibili ng mas mura sa Nueva Tienda dahil direkta itong galing sa bukirin ng kanilang mga magsasaka at hindi na dumaan sa mga ahente na kumikita rin sa pamamakyaw.

“Kung ano man po ang ibebenta namin dito, mas mura kumpara sa mabibili ninyo sa Divisoria o sa Balintawak, dahil sila man ay pumupunta sa amin para bumili ng kanilang paninda. Yun pong sa Divisoria, marami silang dinadaanang istasyon kaya pagdating dito sa Maynila, lanta na ang ilan nilang gulay na paninda,” dagdag pa ni Gov. Padilla.

Ipinaalala ni Mayora Dr. Lacuna-Pangan na noong taong 2020, binuksan din ni dating alkalde Isko Moreno Domagoso ang Lungsod ng Maynila sa pagpasok ng mga produktong galing naman sa Mindanao na tinawag na MinDa Tienda sa tulong naman ni dating Agriculture Secretary Manny Pinol na ginanap sa Mehan Garden sa gilid din ng Manila City Hall.

“Kung inyo pong maaalala, nagkaroon na rin po tayo ng isang kahalintulad ng ganito galing naman po sa South, yung tinatawag ng MinDa Tienda, kasama an gating mga kapatid mula sa South,” sabi ni Mayora Dr. Lacuna-Pangan.

Hinimok din ng alkalde ang malalaking korporasyon na tulungan ang ating mga kababayan sa Nueva Vizcaya, lalu na ang mga magsasaka at magbubukid upang makatulong sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan.

“Ang kinakailangan po ay matulungan natin ang ating mga magsasaka sa pagmamagitan ng pagbili, diretso sa kanila ng kanilang produkto,” dagdag pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE