NPD pinaigting kampanya vs kriminalidad

March 30, 2022 Edd Reyes 405 views

Edd ReyesNAIS nating batiin si Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo, Jr. sa kanyang inilunsad na insentibong operasyon laban sa lahat ng uri ng kriminalidad na nagresulta sa pagkakadakip sa 236 katao at pagkakasagip sa siyam na kabataan sa loob lamang ng isang linggong puspusang operasyon.

Mula kasi Marso 21 hanggang Marso 28, 2022, 58 katao na sangkot sa ilegal na droga ang kanilang nadakip sa iba’t-ibang lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela, 98 katao sa ilegal na sugal, 42 mga wanted na personalidad, 12 mga magnanakaw, 11 ang nahulihan ng baril at patalim, apat na inakusahan ng panggagahasa, tatlo sa Alarm and Scandal, dalawang carnapper at tig-iisa sa mga kasong may kinalaman sa pagpatay, pananaksak at iba pa.

Sa 13 operasyon ng NPD, kasama ang mga police stations sa CAMANAVA area, nakakumpiska sila ng kabuuang 245.69 gramo ng shabu na aabot sa mahigit P1.6 milyong piso at 19.2 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P2,304.00.

Sabi ni BGen. Hidalgo, inilunsad nila ang pinaigting na kampanya sa lahat ng uri ng kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga lungsod ng CAMANAVA lalu na ngayong nalalapit ang halalan.

Kung mapapansin, pinakamarami sa bilang na 98-katao na mga sangkot sa ilegal na sugal ang nahuli ng kapulisan sa mga area ng CAMANAVA na nangangahulugan na sadyang mahilig talaga sa sugal ang mga Pinoy kahit batid nilang ilegal ang kanilang ginagawa at pangalawa sa dami ng bilang ng nadakip ang mga sangkot naman sa ilegal na droga.

Totoong nagkakamal ng malaking halaga ng salapi ang mga sangkot sa ilegal na droga kaya’t kahit mapanganib, marami pa rin ang nakikipagsapalaran sa ilegal na hanapbuhay.

Pangalawa siyempre rito ang ilegal na sugal na kahit bawal ay marami ang pumapasok sa ilegal na operasyon dahil kahit papaano ay may natatanggap pa rin silang proteksiyon sa ilang mga tiwaling opisyal bagama’t karamihan ay “guerilla” ang operasyon o tago sa mata at tenga ng kapulisan.

Kabilang sa mga hindi maipatigil ng tuluyan ng tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) ng NPD na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Jay Dimaandal ay ang operasyon ng lotteng, EZ-2 at ilegal na bookies ng karera dahil pawang kubrador lang ang kanilang nasasakote na kapag nakapaglagak na ng piyansa ay balik na muli sa ilegal na gawain.

Isa pa raw sa problema ni Dimaandal ay ang pagkakaroon umano ng espiya sa loob ng kanilang tanggapan na nagbibigay ng tip sa mga gambling operator kapag magsasagawa ng panghuhuli kaya napapalpak tuloy ang kanilang operayon.

Ito raw ang dahilan kaya’t patuloy na namamayagpag ang mga kilalang gambling operator sa Caloocan at lungsid ng Malabon na pawang nagpapatakbo ng ilegal na lotteng at may opisyal pa mandin ng barangay.

NAVOTAS, NAGPATAYO NG 11 BAGONG GUSALING PAMPAARALAN

SIGURADO ng magiging komportable ang mga estudyante sa Lungsod ng Navotas sa kanilang pagpasok sa paaralan dahil 11 ang mga naipatayong apat na palapag na gusaling pampaaralan na may kabuuang 128 silid-aralan sa iba’t-ibang paaralan sa lungsod.

Mismong sina Mayor Toby Tiangco at Congressman John Rey Tiangco ang nanguna sa pagpapasinaya at inagurasyon ng mga ipinatayong gusali, kabilang dito ang sa Tanza National High School, San Roque National High School, San Rafael Technologial and Vocational High School at Navotas Elementary School-Central na pawang may karagdagang apat na palapag na may 12 silid aralan.

Bukod pa rito ang karagdagang gusali na may walong silid aralan sa San Roque at San Rafael Village Elementary Schools habang ang Kapitbahayan Elementary School ay may karagdagan naman 24 na silid aralan.

Sa Tangos National High School naman at sa Tangos Elementary School I ay parehong may apat na palapag na gusali na may kabuuang 20 bagong silid aralan.

Sabi ni Mayor Tiangco, dalawang taon ng sa bahay lamang ipinagpapatuloy ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral kaya’t batid nila na sabik na sabik na ang mga ito na pumasok sa paaralan kaya nais nilang maging komportable at ligtas ang mga ito habang nag-aaral.

Ang Navotas ang isa sa nangunang school divisions sa bansa na nakapagtala ng 100 porsiyentong implementasyon ng expanded face-to-face classes at lahat ng 25 pampublikong elementarya at secondary schools, pati na ang isang pribadong paaralan sa lungsod, ang nagbukas na para sa in-person learning.

Pahayag naman ni Cong. John Rey Tiangco, prayoridad talaga nila ang edukasyon kaya’t tiniyak nila na ang lahat ng proyekto at programang nasa ilalim ng sektor ng edukasyon ay magpatuloy sa kabila ng nararanasang pandemya.

Magugunita na noon lang nakaraang taon, naipagkaloob sa Navotas ang Seal of Good Education Governance dahil sa pagsisikap na maitaguyod ang edukasyon habang kinilala rin ng Department of Education ang NavoSchool-in-a-Box o NavoBox bilang modelo sa pagsasagawa ng blended learing na naging inspirasyon din ng ibang lungsod sa buong bansa.

AUTHOR PROFILE