Default Thumbnail

NPD-Internal Affairs Service hahabulin mga tiwaling pulis

February 1, 2023 Edd Reyes 349 views

Edd ReyesSA laki ng kapangyarihang ipinagkaloob sa Internal Affairs Service (IAS) ng batas sa ilalim ng R.A. 8551 o ng Philippine National Police Reform and Reorganization Act of 1998, kailangan sigurong mag-isip-isip muna ang mga pulis bago sila gumawa ng kabulastugan o taliwas sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Bukod kasi sa pag-sisiyasat sa reklamo laban sa mga pulis na nasangkot sa anumang uri ng krimen, aktibo rin sila sa pagsasagawa ng inspeksiyon at pag-audit sa mga pulis mula sa iba’t-ibang tanggapan at kung kinakailangan ay magsagawa ng pagdinig para sa kasong administratibong ihahain laban sa kanila.

May kapangyarihan din ang IAS na magsampa ng kaso sa korte at tumulong sa mga Tagausig na maibigay ang kanilang nakalap na ebidensiya laban sa mga kakasuhan at tumulong kung kinakailangan sa Tanggapan ng Ombudsman kaugnay sa mga kasong kinasasangkutan ng mga tauhan ng PNP.

Kung sakali mang nagkaroon ng alingasngas laban sa mga police personnel na nasasangkot sa iba’t-ibang uri ng paglabag, tulad ng pagpapaputok ng baril, paglabag sa karapatang pantao at pananakit habang nagsasagawa ng legal na police operation, maging ang pagtatanim o pag-tamper ng ebidensiya, pagkawala nito sa kanilang kostodiya o ang pagkakasugat o pagkamatay ng suspek na sinasabing nanlaban, may sapat na kapangyarihan ang IAS para magsiyasat at ipatawag para imbestigahan ang mga sangkot na pulis kahit walang pormal na reklamo laban sa kanila.

Dito nga lang sa Northern Police District (NPD) pursigido si P/Col. Joseph Elmer Bullong, ang District Supt. ng sangay ng IAS, na gampanan ang malaking responsibilidad upang matiyak na hindi makakagawa ng anumang kabulastugan o anomalya ang mga pulis dahil puspusan ang pagsasagawa nila ng inspeksiyon sa bawa’t tanggapan ng mga police stations sa CAMANAVA area.

Katunayan, lumikha pa si Col. Bullong ng Advisory Council, na puwedeng tumanggap ng mga civilian na may mataas na reputasyon at walang bahid ng katiwalian na makakatulong para sa pagbibigay ng payo at impormasyon kaya kuwidaw sa mga pulis na mag-iisip gumawa ng mali, tiyak na may paglalagyan kayo kapag nabuking kayo ng NPD-IAS.

Rep. Toby Tiangco, ayaw pabuwisan kita ng mga seniors

Hindi na bubuwisan ang kita ng lahat ng mga senior citizen kung sakali at pumasa ang panukalang batas ni Navotas Rep. Toby Tiangco, hindi tulad ng umiiral na batas sa ilalim ng R.A. 9994 na pawang mga minimun wage earners lang ang hindi na nagbabayad ng buwis.

Katuwiran ni Rep Toby, walang seguridad sa pananalapi ang mga senior citizen lalu na’t ang kanilang pensiyon at benepisyong natatanggap sa pagreretiro ay hindi sapat para sa kanilang pangunahing pangangailangan, habang ang ilan ay wala pa ngang natatanggap na benepisyo sa pagreretiro.

Sa panukalang House Bill No. 6891 ni Rep. Toby, hindi lang mga minimum wage earners ang exempted dahil palalawigin na ang sakop kahit magkano pa ang kanilang kinikita.

Sabi ng kongresista, layunin ng kanyang panukalang batas na mapagaan ang pasanin ng mga matatanda at matulungan silang matugunan ang kasalukuyan at hinaharap na gastusin.

Batay daw kasi sa pag-aaral, mahigit 800,000 Pinoy na may edad na 60 pataas ay nabubuhay ng maralita dahil sa kita lang nilang P71.00 kada araw.

Naniniwala si Cong. Toby na makakatulong kung hindi na pagbabayarin ng buwis ang lahat ng mga senior citizen dahil bukod sa mapapabuti ang kalagayan nila sa buhay, lalawak pa ng husto ang kanilang kontribusyon sa pagpapaunlad ng bansa.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE