NPC Ang mga opisyal ng National Press Club (NPC) at mga panauhing pagdangal sa pagpapasinaya sa busto ni Gat Marcelo Hilario del Pilar kasabay ng unang pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Malayang Pamamahayag (National Press Freedom Day). Kuha ni JONJON C. REYES

NPC nanguna sa 1st pagdiriwang ng National Press Freedom Day

August 30, 2022 Jonjon Reyes 182 views

PINANGUNAHAN ng National Press Club (NPC) ang pagpapasinaya sa busto ni Gat Marcelo Hilario del Pilar kasabay ng unang pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Malayang Pamamahayag (National Press Freedom Day) 9 a.m. ngayong Agosto 30, 2022 sa bakuran ng NPC.

Ito ay bilang simbolikong pagdakila sa buhay ng Pambansang Bayani at Ama ng Makabayan at Responsableng Pamamahayag sa Pilipinas.

Ang pagdiriwang ay bilang pagsunod sa isinasaad ng RA 11699 na nagtatakda sa Agosto 30 ng bawat taon bilang Pambansang Araw ng Malayang Pamamahayag na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Abril 13, 2022.

Sa kanyang mensahe sa kanyang kinatawan na si Rey Langit, sinabi ni Sen. Robin Padilla na siyang Panauhing Pandangal, Tagapangulo,Senate Committee on Public Information and Mass Media, na “umukit ng napakahalagang ambag sa ating kasaysayan si Gat Marcelo del Pilar.”

“Ang hindi matatawarang kontribusyon ni Marcelo bilang isang dalubhasa at propagandist ay naging tulay upang mamulat ang ating kababayan laban sa pagmamalupit at pang-aabuso na siyang naging daan para sa pagkakasama at pag-aaklas laban sa mga dayuhang mananakop,” ani Padilla.

Bilang tagapangulo ng committee on public information at mass media, tiniyak ni Padilla na itutulak niya sa batas ang mga isyu at adbokasiya na sumasaklaw sa public information, mass communication at broadcast services lalo na sa panahon ito kaalinsabay sa pagpapatibay sa paglaban sa maling impormasyon.

Ayon kag NPC President Lydia Bueno, ang tema ng pagdiriwang ay “Gat. Marcelo H. del Pilar: Dangal ng bansa, Inspirasyon ng Mamamayan.”

Kasabay ng pagtatayo ng busto ang pagdiriwang ng ika-172 kaarawan ng nasabing bayani.

“Hindi lamang ito simpleng selebrasyon dahil taon-taon na ito gagawin at bilang pagkilala sa kanyang mga dakilang kontribusyon sa pamamahayag ay naglagay ng panghabambuhay na pagkilala sa kanyang naging ambag sa larangan ng pamamahayag,” dagdag ni Bueno.

Ayon kay Paul Gutierrez, kalihim ng NPC, ang mandato ng naturang batas na tuwing Agosto 30 ay gagawa ang national at local government ng programa na nakatuon sa kahalagahan ng media at kahalagahan ng ambag at kontribusyon ni Del Pilar.

Katuwang ng NPC sa pagdiriwang ng nasabing mahalagang araw ang Presidential Task Force on Media Security, Office of the President, Office of the Vice President, Department of Education, Commission on Higher Education, Komisyon sa Wikang Filipino, Technical Education, Skills and Development Authority, Manila City Hall Chief of Staff Josue Santiago at spokesperson Atty. Princess Abante at iba’t-ibang samahan ng mga mamahayag sa bansa.

AUTHOR PROFILE