NPC at National Press Freedom Day

August 5, 2022 Paul M. Gutierrez 69 views

PaulNITONG nakaraang Abril, pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11699 o ang ‘National Press Freedom Day’ na gugunitain tuwing ika-30 ng Agosto. Ito ay syempre itinakda sa kapanganakan ni Gat. Marcelo H. Del Pilar.

Lingid sa kaalaman ng lahat, hindi naman sa pagtataas ng bangko, pero isa ang National Press Club sa mga nanguna na maisulong ang batas na ito. Mahigit pitong taon po nating binubuno sa Kongreso at Malakanyang na maisabatas ito.

Kaya naman ipinagpapasalamat natin sa dating administrasyong Duterte na sa kaniyang panunungkulan ay nagkatotoo ang pangarap na ito para sa mga mamamahayag na makilala ang ating kontribusyon sa lipunan.

Siyempre, pangunahin nating nais kilalanin ang kalayaan sa pamamahayag na matagal natin at patuloy nating ipinaglalaban. Ang kasaysayan ng pamamahayag sa Pilipinas ay alam naman natin ay sadyang naging masalimuot kaya isa ito sa mga pinakapinoprotektahan mismo ng ating Konstitusyon.

Kasabay ng pagdakila natin kay Gat. Del Pilar ay ang ating pagpapahalaga sa katangian ng kaniyang pamamamahayag na dapat maging inspirasyon at tularan ng bawat mamamahayag at nais pumasok sa propesyon ng pamamamahayag– responsable at makabayan (responsible and patriotic journalism).

Kaya naman ating pinaghahandaan ngayon sa NPC ang kauna-unahang selebrasyon nito ngayong taon. Ating pong pinaplantsa ang paghahanda sa araw na ito upang ipagdiwang ang tagumpay nating mga mamamahayag.

Sisikapin nating maanyayahan ang mga taong nagpagod, tumulong at sumuporta para maisabatas ito. Hindi po natin ito pwedeng basta na lamang palampasin dahil hindi po biro ang ating pinagdaanan hindi lamang sa pagpapasa ng batas na ito kundi ang pang-araw-araw nating buhay bilang mga mamamahayag.

Alam po nating lahat ang hirap ng ating propesyon na tila tayo ay mga sundalo pero ang sandata natin ay panulat. Ito ang gera na tayo lamang ang namamatay ng literal. Kaya naman siyempre alay din natin ang pagdiriwang na ito para sa mga kasamahan natin na naging biktima ng pamamaslang sa ngalan ng ating propesyon at paglilingkod sa bayan.

Kaya naman po, hindi po natin maintindihan ang ibang mga grupo kung bakit hindi nila nakikita ito bilang isang pambansang pagdiriwang. Hindi nila nakikita ang kahalagahan nito sa pambansang saklaw at nais nilang makulong sa sarili nilang bakuran.

Ang mas nakakalungkot pa dito ay ang hindi pagbibigay pagkilala sa mga taong tunay na tumulong at nagpakapagod para lamang maisabatas ito na magkaroon ng pambansang pagkilala at pagpapahalaga.

Gayunpaman, hindi natin nais na ang araw na ito ay magbigay ng dahilan para makawatak-watak tayong mga taga-midya. Kundi dapat maging layunin nitong maipagbuklod-buklod tayo sa iisang adhikain natin.

Kaya naman po abangan ang ating ginagawang paghhahanda para sa araw nating ito. Hindi po ito isang engrandeng pagtitipon pero titiyakin po natin na ang pagdiriwang nating ito ay nararapat para sa una nitong selebrasyon. Dahil masasabi po nating tunay na ang araw na ito ay makasaysayan para sa atin.

Nawa po ay makasama natin at maging aktibo ang ating mga miyembro sa NPC na makiisa sa pagdiriwang na ito. At syempre una na po ang ating pasasalamat sa mga nagnanais nang tumulong at makiisa para sa araw na ito.

Ito po ang simula ng matagal na nating ipinaglalaban at syempre taun-taon dapat nating pahalagahan. Uulitin po natin na hindi naging madali sa atin ang pagkakamit sa tagumpay na ito. Kaya naman mas higit na maipakita natin na hindi lamang ito mahalaga sa atin.

Kung paano natin pinapahalagahan ang araw na ito ay salamin kung paano natin pinahahalagahan ang ating propesyon.

AUTHOR PROFILE