‘Notice to Explain’ ikinasa ng TV5 sa reklamong sexual harassment ng program researcher
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang TV5 kaugnay ng isang diumano’y insidente sa pagitan ng empleyado at independent contractor ng network.
Sa pamamagitan ng inilabas na official statement, ipinahayag ng Kapatid network na nakarating na sa kanilang atensyon ang nangyari at nagpadala na sila ng “Notice to Explain” sa mga taong sangkot.
“TV5 management is aware of the matter regarding an alleged incident between a TV5 employee and an independent contractors
“We have released the necessary Notice To Explain and are conducting an investigation to determine the facts so we may take the appropriate action. We have reached out to the persons concerned and are gathering information. Rest assured that the rights and welfare of all parties shall be protected.
“TV5 remains committed to fostering a safe working environment. We ask everyone to kindly reserve judgment pending our investigation,” anang full statement ng TV5.
Inilabas ng Kapatid network ang naturang statement matapos umere sa “Raffy Tulfo in Action” last Friday ang reklamong sexual harassment ng isang program researcher laban sa isang program manager.
Ayon sa program researcher ay naganap umano ang pang-aabuso sa kanya noong July 23 sa isang hotel sa Pasig.
NBI ‘DI SINIPOT NINA NONES AT CRUZ
Mariing itinanggi ng abogado ng dalawang “independent contractors” ng GMA Network ang mga akusasyon laban sa kanyang mga kliyente sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Atty. Maggie Abraham-Garduque, walang katotohanan ang bintang na sexual harassment na isinampa ng aktor na si Sandro Muhlach laban kina Jojo Nones at Richard Cruz.
“At the onset naman sinabi namin na there is an absolute denial of the allegations being accused of our clients. So may denial talaga,” pahayag ng abogada sa panayam ng media.
Hindi sumipot ang dalawang akusado na ipina-subpoena ng NBI Public Corruption Division nitong nagdaang Biyernes pero naghain sila ng Joint Counter Affidavit.
“Ang NBI naman there’s just still processing the evidence. So hindi pa po talaga ‘to considered as kaso,” paliwanag ni Garduque.
Sa halip, nagpasa sila ng Joint Counter Affidavit at mariing itinanggi ang mga akusasyon.
Ayon sa abogado ay apektado na ang mental health at reputasyon ng kanyang mga kliyente dahil sa malisyosong balita at paratang na ibinabato sa mga ito.
“Kung kilala niyo naman itong dalawang mga clients namin, they’ve been in the television industry for more than 30 years. Naging malinis po ang reputasyon. So this is very destroying to their reputation, sobrang nakakaapekto sa mental health nila ngayon,” sabi ni Garduque.
Hindi pa masiguro ng abogado kung dadalo sina Nones at Cruz sa susunod na Senate hearing matapos silang ipina-subpoena dahil sa hindi nila pagpunta sa pagdinig ng Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Sen. Robin Padilla.
Samantala, lumabas naman sa psychological assessment ng NBI Behavioral Science Division na isinagawa kay Sandro, positibong trauma ang sinapit ng aktor matapos ang kinasangkutang insidente.
Ayon sa kanyang ama na si Niño Muhlach nang humarap sa Senate hearing kamakailan, “Siyempre affected pa rin. May depression, konting depression pati ‘yung pagkain niya naapektuhan, pagtulog. Pero, hopefully, in the coming days, sana mag-improve.”