‘No Vaccine, No Ride,’ “minadali”

January 18, 2022 Paul M. Gutierrez 171 views

PaulNAGSIMULA noong Lunes, Enero 17, ang No Vaccine, No Ride Policy ng Department of Transportation (DOTr) at siyempre, naging kontrobersyal ang hakbang na ito dahil may mga taong maapektuhan.

Naniniwala tayo na mabuti ang intensiyon ng DOTr sa implementasyon nito dahil totoo nga naman na mabilis ang pagkalat ng mga nagpopositibo sa COVID-19 gawa ng bagong variant nito na Omicron.

Nito lamang pagpasok ng taon, biglang sipa pataas ang mga bagong kaso kung saan halos umabot na sa 40,000 ang nagiging positibo sa loob ng isang araw.

Sa katunayan, alam naman natin na hindi lahat ng mga nagkaroon ng sintomas ay nagpa-test, dahil sobrang mahal. Ang iba, nagpagaling na lang sa kani-kanilang mga bahay.

Bakit nga naman sila magpapa-test pa na aabot ng libu-libong piso ang bayad kung may mga sintomas silang nararamdaman?

Talagang magiging dagdag-gastos lamang ito sa kanila. Para sa kanila, “ibili” na lang nila ng bigas, kesa alamin kung may sakit nga ba sila.

At ‘yung mga walang panggastos ay tiis-tiis na lang muna sa paracetamol na nagkaubusan pa ng supply sa mga botika.

Ang iba naman, asymptomatic, ibig sabihin hindi nila alam na mayroon na pala silang COVID sa katawan subalit wala silang anomang sintomas. Kaya mas madali silang makapanghawa dahil ang pagkaalam nila, wala naman silang sakit.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nais ng DOTr na huwag pasakayin ang mga pasahero na hindi bakunado. Alam naman natin na ang bawat ahensiya ng gobyerno ay gumagawa ng paraan kung paano hindi kumalat ang COVID.

Gayunpaman, sa tingin natin ay hindi naging sapat ang panahon ng DOTr sa pagpapaabot ng ganitong hakbang sa publiko.

Sa madaling salita minadali kung hindi man biglaan ang pagkakaroon ng ganitong polisiya. Dahil unang-una, may katagalan ang panahon mula first dose sa second dose.

Kaya naman nabigla ang marami na hindi pa nagkakaroon ng second dose bagamat sila na ay bakunado o partially vaccinated. Hindi na sila agad makakasakay sa mga publikong sasakyan.

Halimbawa kung nabakunahan ka ng first dose noong Disyembre kung kailan mababa pa ang mga may sakit na COVID, at ang iyong second dose sa ikatlong lingo pa lamang ng Enero, pero naglabas agad ang DOTr ng ganitong polisiya, hindi ba ito nakakabigla sa publiko?

Paano ang ibang bakuna na mas matagal sa isang buwan ang interval ng 2nd dose na ang iba ay inaabot ng tatlong buwan?

Ang tanong kasalanan ba ng publiko na matagal ang interval ng kanilang vaccine doses?

Naniniwala tayo na maaaring makatulong ang ganitong polisiya para mabawasan ang pagkalat ng COVID-19 at mas mahimok ang mga tao na magpabakuna. Sabi nga natin naniniwala tayo sa intensiyon ng DOTr.

Pero naniniwala din tayo na kailangan nating maging patas sa ating mga polisiya.

Kung mas hinabaan ng DOTr ang pagpapaliwanag sa publiko ng intensiyon nito at mas nabigyan ng panahon ang publiko na mapaghandaan ito, tingin natin mas magiging madali na tanggapin ito ng masang Pinoy.

Dahil alam naman natin na bagamat may mga pasaway pa rin, ang mas malaking bilang ng publiko gustong sumunod sa magandang intensyon ng gobyerno.

AUTHOR PROFILE