No to ‘benggatibong gobyerno’

April 27, 2022 Allan L. Encarnacion 105 views

Allan EncarnacionGUSTO kong iyong sinabi ni Isko sa kanyang radio ad, walang higantihan.

Nakakasabik nang makakita ng isang local at national na pamahalaan na ang tanging agenda ay ayusin ang bayan.

Iyong binabanggit ni Isko na gobyerno para sa lahat, hindi ba’t napakaganda sana kung nangyayari ito sa totoong buhay?

Hindi ko alam kung saang kultura napulot ng ibang pulitiko ang pagmimisyon na wasakin, ipakulong at pahirapan ang lahat ng kanyang mga nakalaban kapag nasa puwesto na siya.

Kung nangyayari ito sa national, mas talamak ang pulitikang benggatibo sa lokal. Ang istilo ni mayor or ni gobernador, gigipitin ang lahat ng mga hindi niya kakampi.

Sisimulan yan sa pag-ipit sa budget ng opisina ng kanyang hindi kakamping bise-alkalde o bise-gobernador. Kung sampu ang plantilla staff, ang gagawin ni Local Executive ay dalawa lang ang ibibigay niya. Kung may JO or job orders na 7, isa lang ang ibibigay niya.

Ang susunod na gagawin, aalisan ng sasakyan ang hindi kakamping mga konsehal. Kung may sarili mang sasakyan si konsehal or si vice, aalisan naman niya ito ng parking slot. Pag minamalas-malas, posisingawin pa ang gulong ng sasakyan kapag pumarada pa rin.

Kung ang kapitan naman ng barangay at kagawad ay sumuporta sa kanyang nakalaban noong eleksiyon, hindi niya ito bibigyan ng projects. Ang ipapagawang kalsada, putol, hindi paabutin sa lugar nila kapitan at kagawad.

Kapag minalas-malas ulit, kakasuhan pa ang kapitan hanggang masuspindi para ang pumalit na acting chairman ay iyong first kagawad na kakampi niya sa eleksiyon.

Kapag pribadong negosyo naman ay nalaman na sumuporta sa kalaban, huhukayin ang harapan ng kanyang tindahan tapos iiwanang nakatiwangwang para walang makapasok na customer. Minsan, magpaparada ng bulldozer sa harap ng tindahan ng negosyante para malugi talaga.

May iba pang style si mayor or si gobernador. Dahil siya ang nakaupo, lahat ng department heads at mga office chief ng kanyang nakalaban, ipapatapon niya sa mga malalayong opisina hanggang iyong iba ay napipilitan na lang mag-early retirement.

Hindi man lang ba maisip na yakapin ang mga kalaban at paglingkuran ang bayan dahil tapos naman na ang eleksiyon. Isipin nyo iyong mga pinipinsala nyong tao ay may pamilya na nasasaktan at posibleng mawalan ng kabuhayan kapag nagretiro o nag-resign nang wala sa oras.

Kaya nga sa tingin ko, kailangang magbalik sa ugaling tao ang mga pulitiko na ang ikinabubuhay sa posisyon ay maghiganti. Napakarami ganyang klase ng pulitko sa bansang ito at wala akong idea kung kailan sila mauubos!

Ang problema lang kasi, mahirap silang maubos dahil ipinamamana sa anak ang mga posisyon at kasama sa pamana ay ang asal-hayup na pag-uugali.

Kaya nga tingin ko, ang most sensible na sinabi ni Isko para sa election period na ito ay ang pangako niyang walang higantihan kung sakaling siya ang magwawagi.

Pero sana, isabuhay at isupuso naman ito ng kung sino man ang papalarin dahil bayan ang unang biktima ng ganitong mga kagaguhan ng pulitiko.

Kapag may mga ganitong pulitiko sa bayan nyo, aba’y huwag nyo nang bigyan ng isa pang termino kasama na ang kanilang mga kamag-anak at anak na ganoon din ang pag-uugali.

Mabuti pa ang mga insekto, minsan napepeste, iyong mga benggatibo at masamang ugaling pulitiko, patuloy na dumarami!

allanpunglo@gmail.com