Default Thumbnail

‘No need to reinvent the wheel’

September 27, 2022 Paul M. Gutierrez 429 views

PaulBAGO ang lahat, binabati muna natin ang ating mabait at magandang misis, si Chat, sa kanyang kaarawan ngayong linggo, kasabay ng kaarawan ni NPC Vice President Tina Maralit. Wala na tayong masasabi sa ating “esmi” kundi, “salamat” sa pagiging isang mabuting ina sa ating mga anak at siyempre, mabuting “lola” sa ating makukulit na apo, hehe!

At happy birthday sa inyo ni VP Tina, ayos!

Oops! Binabati na rin natin si ex-Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin, sa kanyang bagong posisyon bilang ‘Little President’ ng bansa o ‘Executive Secretary.’

Hindi lang isang matibay na haligi ng ating Hudikatura si ES Bersamin, dear readers. Hanga rin tayo sa kanyang pagiging ‘down-to-earth,’ talino at siyempre, sa kanyang prinsipyo.

‘Rose from the judiciary ranks,’ wika nga si ES Bersamin at masasabi ring ‘street smart’ dahil sa kanyang mga karanasan at mga pinagdaanan kaya alam nating ‘in good hands’ ang administrasyon ni PBBM. Mabuhay ka, ES Bersamin and may God bless you more!

***

Pagkaraan ng dalawang press conference na siya mismo ang humarap matapos ang kanyang appointment bilang Commissioner of Customs noong nakaraang buwan, “stop,” as in “nganga,” ehek, “tunganga” na muna ang mga kasapi ng media na nagco-cover sa Aduana at muling umaasa sa mga press release galing sa PIAD (Public Information and Assistance Division).

At dahil isang importanteng ahensiya, nalaman natin na ang naging aksyon na lang ni Comm. Yogi Filemon Ruiz ay magtalaga ng tagapagsalita o ‘spokesperson’ para sa kanya at sa ahensiya.

Sa balitang ito, “nakahinga ng maluwag” ang media sa pag-aakala na muling itatalaga ni Comm. Yogi si Assistant Commissioner Atty. Vincent ‘Jett’ Maronilla sa nasabing posisyon, bagay na naging trabaho na rin niya ng halos 3 taon sa ilalim ni Comm. Jagger Guerrero nang palitan niya bilang spokesperson si Atty. Dino Austria, ang district collector ngayon ng Port of Davao.

Translation? “Kampante” na sa kanya (at kahit kay Coll. Dino) ang media dahil ‘he can speak with authority and confidence because of his title and position,’ wika nga.

Kaya marami ang nagulat nang malaman na isang ‘Arnold dela Torre’ na isang kawani sa Port of NAIA ang “bagong tagapagsalita” ng Aduana!

Oops! Hindi natin minamaliit ang kapasidad nitong si dela Torre, dear readers. Dangan nga lang kasi, sa “panlasa” ng mga beterano sa media na d’yan na “nalagas” ang buhok sa pantalan, ‘can he measure up to the demands of the position?’

Eh, sa totoo lang hindi pa nga ito nagpapatawag ng press con at “pinipili” lang ang media na gustong kausapin dahil “takot” (daw) itong si dela Torre, kasamang Wiliam Depasupil, Vic Reyes at Jun Veneracion, na matanong ng mga bagay at isyu na hindi niya masyadong alam, hehehe, ayy, huhuhu!

Kumbaga, “iwas-pusoy” na “makanal” at maipahiya si Comm Yogi at ang BOC. Teka pala, may formal appointment na rin ba siya bilang spokesman o “laway” pa lang (announcement) ni Comm. Yogi?

Muli, hindi natin minamaliit ang bagong spokesman ni Comm. Yogi pero paano magiging kampante sa mga sagot niya ang media, partikular na sa mga batas—ang BOC ay isang ahensiya na “pinatatakbo” ng mga batas at regulasyon– samantalang hindi nga siya abugado at marahil pa, baka nga hindi pa siya nakapag-draft man lang ng kahit isang customs memorandum order (CMO) eh, “talo” ko pa pala ito, hehehe!

Ang punto natin? Hindi kaya “hilaw” pa sa karanasan at abilidad itong si Mr. Dela Torre para sa isang napakasensitibo at “hebigat” na posisyon? Ano sa tingin mo. Atty. Dess Mangaoang?

At kung wala pa rin siyang formal appointment, eh, paano ilalabas ng media ang kanyang mga sinasabi samantalang lalabas ang mga ito na ‘no bearing’ o “tsismis,” aguy!

May kasabihan na ‘there is no need to reinvent the wheel,’ dear readers.

At sa puntong ito, mas mainam siguro para kay Comm. Yogi na ibalik na lang ang posisyon bilang spokesman kay Atty. Jett Maronilla– kung wala nang iba pang “may tindig” na makukuha si Comm. Yogi.

At teka lang, hindi natin ito nirerekomenda dahil “sipsip” tayo kay ‘Kuyang’ Jett, hane?

Ipapanukala natin ito sa paniwalang mas makakabuti ito para kay Comm. Yogi at sa Aduana.

“Malasakit” ang tawag ‘dyan, Comm. Yogi at mga kabayan. “Malasakit,” importante yan!

Abangan!

AUTHOR PROFILE