Default Thumbnail

No helmet, no license pero may granada

June 19, 2024 Melnie Ragasa-limena 85 views

NASAKOTE ng pulisya sa checkpoint ang 18-anyos na rider na walang helmet at lisensya pero may dalang granada at hinabol pa ng mga pulis bago natiklo sa Novaliches, Quezon City noong Lunes.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Pasong Putik Police Station 16 station commander P/Lt. Col. Reynante Parlade ang suspek na si Denver Cartagena, 18, ng Marilao, Bulacan.

Natiklo ang suspek bandang alas-10:39 ng gabi sa kanto ng Mocking Bird at Woodpecker St., Brgy. Kaligayahan, Novaliches.

Nang sinenyasan ng mga pulis na huminto, pinaharurot pa ng suspek ang kanyang motorsiklo kaya hinabol ng mga pulis hanggang sa makorner sa nasabing lugar.

Narekober sa suspek ang kanyang XRM motorcycle, sling bag, gunting, coin purse, isang MK2 fragmentation hand grenade at lalagyan ng granada.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10054 (Motorcycle Helmet Act of 2009), Art. 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agents of such Person at R.A 9516 (Illegal Possession of Explosives sa Quezon City Prosecutor’s Office ang suspek.