‘NO HABOL, NO AGAW’
Prosecutor: Paghabol ng Makati sa SC ng BGC, nauwi sa pagkawala ng EMBO bgys
DAPAT tanggapin ng Makati ang “unintended consequences” sa territorial dispute sa pagitan nila ng Taguig, lalo pa’t ang Makati ang nag-akyat ng usapin sa Korte Suprema.
Ayon kay Atty. Darwin Canete, isang prosecutor at blogger, nang iakyat ng Makati City ang kaso sa Supreme Court (SC) at hingan ang mga mahistrado ng final determination sa isyu ay dapat batid nito na maaari silang matalo o manalo.
“Ngayong nagsalita na ang kataas taasang hukuman ay walang ibang opsyon ang Makati kundi ang magparaya sa nanalong partido, ang Taguig LGU,” ani Canete.
Sinabi pa ni Canete na ang paghahabol sa revenue-rich na Bonifacio Global City (BGC) ay pinursige ng Makati Ctiy kaya dapat naging handa na ang lokal na pamahalaan sa pagkakaroon ng pinal na desisyon sa kaso.
“Lahat naman ng kaso may ending,” giit ni Canete.
Nang hingan ng reaksyon sa naging takbo ng kaso ng territorial dispute, sinabi ni Canete na kung siya ang tatanungin ay hindi na lamang sana hinabol ng Makati City ang pagmamay-ari ng BGC, sa ganitong paraan ay hindi naagaw sa kanila ang EMBO barangays.
“Para sa akin ay malaking pagkakamali na inakyat pa ng Makati ang dispute case sa SC,” ani Canete.
Ipinaliwanag ni Canete na sa una pa lamang na desisyon ng Pasig City Regional Trial Court ay makikita nang dehado ang Makati. Sa iprinisinta kasing ebidensya ay mayroong pinanghahawakang titulo at presidential order ang Taguig.
Sa Transfer Certificate of Title No. 1219 na may Survey Plan Psu-2031 na may petsang 1908, ang Fort McKinley ay nakahati sa apat na parcels: ang Parcel 1 ay matatagpuan sa Pasay; Parcel 2 ay nasa Pasay at Parañaque; Parcel 3 ay nasa Taguig; at ang Parcel 4 ay sa Taguig din, at noon pa man walang pagbanggit dito ng Makati.
Nang makuha na ng Pilipinas ang kasarinlan mula sa mga Amerikano, ang Fort Mckinley ay ginawa nang Fort Bonifacio at sa ilalim ng Proclamation No. 423 na ipinalabas ni dating Presidente Carlos Garcia ay malinaw na ang military reservation ay nasa ilalim ng Taguig.
Kung titulo at presidential order ang hawak na ebidensya ng Taguig, ang iprinisinta naman ng Makati ay land survey na mula sa isang private contractor.
“Kung di ganoon kalakas ang ebidensyang pinanghahawakan ng Makati naging mainam sana na hindi na ito pinursige sa Supreme Court na siyang final arbiter, nagkaroon lang sana ng status quo sa dispute at yung EMBO barangays ay nasa Makati pa rin,” dagdag pa nito.
Ngayong turnover na ang pinag-uusapan sa turf war sa pagitan ng dalawang malaking lungsod, sinabi ni Canete na para na rin sa interes ng mga residente ay makita na ang kooperasyon ng Makati.
Sa obserbasyon ni Canete ay hindi naman tinututulan ng mga residente ang paglipat sa Taguig. Inihalimbawa nito ang nakalipas na Brigada Eskwela kung saan mainit ang naging pagtanggap ng mga guro, estudyante at magulang ng mga EMBO schools kay Taguig City Mayor Lani Cayetano.
“Mayor Lani has been an exemplary executive, wala kang maririnig na hindi sya marunong magpatakbo. Walang bahid and EMBO residents are assured of clean governance,” pagtatapos pa ni Canete.