inton

No contact apprehension policy dapat ayusin — Inton

June 6, 2021 Jun I. Legaspi 247 views

Driver ang pagmultahin di may ari ng sasakyan

ANG no contact traffic apprehension ay makakatulong sa pagdidisiplina sa pasaway na driver kung maayos ang implementation.

Sa isang interview, sinabi ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), na pwedeng magdulot ang policy ng malaking abala sa mga car owners at bangkarote ng mga transport operators kung walang ” due process mechanism” sa implementation nito,

Paliwanag ni Inton na iba ang traffic violation sa violation ng car owners.

“Pag traffic violation, ang driver ang dapat pagmultahin, hindi ang may ari kung hindi siya ang nagmamaneho. Hindi ang operator kung hindi siya ang nagmamaneho. Pero pag ang violation ay tungkol sa sasakyan tulad ng unregistered o franchise violation ang may ari ang may pananagutan,” ani Inton.

Dagdag ni Inton na sa puntong ito nagkakaproblema ang no contact apprehension.

Pinaliwanag niya na dahil ang nakukunan ng camera ng CCTV at digicam ay ang plate number ng sasakyan ang notice of violation ay sa registered owner na ipadadala.

“Pero paano malalaman sino ang driver sa no contact apprehension? Dito may pagkakaiba ang notice ng Metropolitan Manila Development Autority at mga local government units (MMDA-LGUs),” aniya.

“Bukod sa mas mataas ang multa sa mga LGU kaysa sa MMDA ay nakasaad sa notice ng MMDA na” in case the driver is not the owner, please send this portion back to” o kaya” In case the vehicle is sold, please provide deed of sale and write accurate name address and contact number of the new owner”.

Mainam ito dahil tanggap ng MMDA na hindi porke nakunan ng CCTV ang sasakyan ay sigurado na ang may-ari ang driver. Dahil dito ay nagkakaroon ng pagkakataon na maituro ang driver na dapat multahan.

Pinuna ni Inton na sa LGU iba ang nakalagay:”Maari po lamang aksyonan ang violation na ito, ang hindi niyo pagtalima sa loob ng sampung araw mula sa pagkatanggap ng notice na ito ay nangangahulugang na tinanggap ang nasabing violation. Malalagyan ng alarma ang rehistro ng inyong sasakyan sa Land Transportation Office (LTO) kung ipagsasawalang bahala ang violation na ito at mapapatawan ng interes ang inyong multa”.

Ayon kay Inton kailangan din ng due process mechanism sa LGU upang mabigyan ng pagkakataon ang registered owner ibigay ang pangalan ng driver tulad sa MMDA. Isa rin dapat tingnan dito ay ang pag alarma ng LTO sa sasakyan.

“Kung ang sasakyan ay sangkot sa krimen o aksidente at nag hit and run ay puede i alarma ito. Pero kung isang traffic violation ang magiging basehan di bat dapat lamang ng may proseso ang LTO dito?,” aniya.

Sinabi pa ni Inton na “baka dumating ang panahon ay wala ng mapaparehistrong sasakyan dahil nakaalarma na lahat.”

“Halimbawa kung ang registered owner ay transport corporation abay malinaw na hindi puedemagnaneho ang corporation. Bakit alarma agad? Di bat tama yun proseso na ibigay ang pangalan ng driver na nagkasala at yun lisensya niya ang isuspindi hanggat hindi nababayaran ang multa ng traffic violation? Maganda ang hangarin ng no contact apprehension pero dapat maipatupad ng patas at walang maaagrbyado. Batas marahil ang kailangan. Sa ngayon dapat ang LTO ay mag proseso muna bago mag alarma ng sasakyan base lang sa isang minor traffic violation na hindi naman kasalanan ng may ari ng sasakyan,” saad ni Inton.

AUTHOR PROFILE