No. 6 MWP sa Kyusi timbog

June 9, 2022 Melnie Ragasa-limena 99 views

NASAKOTE ng pulisya ang isang lalaking itinuturing na no. 6 sa station-level na “most wanted person” (MWP) ng Quezon City Police District (QCPD)-Novaliches Police Station (PS-4).

Ayon kay QCPD Director PBrig. Gen. Remus Medina, batay sa ulat ni PS-4 commander PLt. Col. Von June Nuyda, ang akusado ay residente ng Bgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City.

Ang MWP ay hinainan umano ng warrant of arrest dakong alas-10:50 ng umaga noong Hunyo 6, 2022 sa loob mismo ng Quezon City Jail, Bgy. Kamuning, Quezon City, matapos na matuklasang nakapiit na pala siya dahil sa hindi tinukoy na kaso.

Ang warrant of arrest ay inisyu ni Judge Kathleen Rosario D. Dela Cruz-Espinosa, ng Branch 91, Regional Trial Court, Quezon City, laban sa suspek dahil sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.

Ayon kay Medina, agad nilang aabisuhan ang hukumang pinagmulan ng utos ng mga pagdakip hinggil sa pagkaaresto ng akusado.

“Ang matagumpay na pagkaaresto at paghain ng Warrant of Arrest sa akusado ay isang patunay ng aming determinasyong ilagay sa kustodiya ng kapulisan ang sinumang may pagkakasala sa ilalim ng batas kahit saan man sila naroon,” dagdag pa ng opisyal.