No. 4 MWP sa rape nasakote sa Tondo

April 23, 2022 Jonjon Reyes 82 views

ISANG nasa top 4 most wanted person (MWP) sa district level ang inaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) dahil sa 13 kasong sa paulit-ulit na panggagahasa sa Tondo, Maynila iniulat ng pulisya Biyernes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Sonny Delos Santos, nasa hustong gulang, at residente ng Tondo.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo lll, commander ng MPD-Moriones Police Station 2, bandang 5:30 p.m. Biyernes nang ihain ang arrest warrant sa loob ng Moriones Sport Association Club (MORSAC) sa Moriones St., Tondo.

Ayon kay Lt. Col. Lorenzo, inatasan nito si P/Maj. Joseph Jimenez, hepe ng Station Intelligence Unit na arestuhin si Delos Santos, makaraang inguso ng impormante ang kinaroroonan nito.

Bitbit ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Jacqueline S. Martin-Balictar, Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 9 ng Maynila na may petsang Marso 28, 2022 dahil sa kasong rape sa ilalim ng Article 266-A par 1 a ng Revised Penal Code na inamiyendahan sa Republic Act 8353 (13 counts) na walang inilaang piyansa.

Muli namang pinasalamatan ni MPD Director Police Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco ang kanyang mga kapulisan sa MPD Station 2 dahil sa pagkakahuli sa suspek, aniya “Sa mga kriminal wala kayong puwang sa Lungsod ng Maynila kahit saan kayo magtago ay mahahanap pa rin kayo ng batas.”

AUTHOR PROFILE