No. 1 MWP sa Kyusi nasakote

April 11, 2022 Melnie Ragasa-limena 53 views

NADAKIP ng pulisya ang no. 1 most wanted person (MWP) ng Novaliches Police Station (PS 4) na may kasong robbery at carnapping sa Quezon City.

Batay sa report ng PS 4 sa pamumuno ni PLt. Col. Von June B Nuyda, kinilala ang akusado na si MJ Barrios, 31, at nakatira sa Bgy. San Agustin, Novaliches, Quezon City.

Siya ay inaresto dakong ika-3:30 ng hapon noong Abril 9, 2022 sa tahanan ng akusado sa bisa ng warrant of arrest para sa mga kasong robbery at paglabag sa R.A. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016 na inilabas ni Hon. Maria Gilda T. Loja-Pangilinan, ang Punong Hukom ng Branch 230, Regional Trial Court (RTC), Quezon City.

Ang hukumang pinagmulan ng utos ng pagdakip ay aabisuhan sa pagkaaresto ng suspek.

“Ang matagumpay na pagkakaaresto ng akusado ay isang patunay ng aming determinasyong ilagay sa kustodiya ng kapulisan ang sinumang may pagkakasala sa ilalim ng batas kahit saanman sila naroon,” ani Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Remus B Medina.

“Makakaasa ang mga mamamayan sa Kamaynilaan na patuloy naming gagampanan ang aming sinumpaang tungkulin at sisiguraduhin ang kanilang kaligtasan,” ani ni PMaj. Gen. Felipe R. Natividad ang Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO).