Nigerian national ala-Tom Hanks ng ‘The Terminal’ ang peg sa NAIA 3

January 30, 2023 Marlon Purification 221 views

Marlon PurificationNATATANDAAN n’yo ba ang pelikulang The Terminal na ipinalabas noong taong 2004?

Ang naturang American comedy-drama film ay pinagbidahan nina Tom Hanks, Catherine Zeta-Jones at Stanley Tucici mula sa direksiyon at produksiyon ng multi-awarded film director na si Steven Spielbierg.

Tungkol ito sa isang Eastern European man na hindi pinaalis ng John F. Kennedy Airport sa New York terminal nang hindi pahintulutang makapasok sa bansang Amerika at hindi na rin makabalik sa bansang kanyang pinagmulan.

‘Partially inspired’ ang pelikula mula naman sa karanasan ‘true to life’ ng 18-taong gulang na si Mehran Karimi Nasseri sa Terminal 1 ng Paris Charles de Gaulle Airport sa France mula taong 1988 hanggang 2006.

Lumipad si Nasseri patungong London via Paris mula sa Brussels ng bansang Belgium. Pinabalik sa Paris dahil sa nawala nito ang refugee passport.

Kumita ang pelikula ni Tom Hanks ng halos $219 million o aabot sa P12 billion sa pera natin ngayon.

Nasabi ko ito dahil may ganitong uri ng insidente tayo ngayon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa katauhan ni Samson Ugo Ninaji, isang Nigerian national na plano sanang mag-aral dito sa Pilipinas, ngunit hindi pinayagang makalabas ng ating pambansang paliparan.

Sa impormasyong nakarating sa ‘Uncovered,’ si Ninaji ay ‘excluded’ na sa NAIA noon pang taong 2022 kaya ‘blacklisted’ ito sa BI (BLO-AFA-20-2082).

Nang dumating sa NAIA noong November ng nakalipas na taon ay excluded pa rin ang banyaga.

Walang malinaw na dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito pinapayagang makalabas ng NAIA Terminal 3.

Ang nasisiguro natin na doon na nag-Pasko at nag-Bagong Taon si Ninaji – mala Tom Hanks ng The Terminal.

Kung tama ang impormasyon ng inyong lingkod, walang ‘criminal record’ si Ninaji.

Katunayan, naglabas na ng Apostille ang Department of Foreign Affairs (DFA) patunay na maganda ang record nito.

Bukod dito, naglabas na rin ng Notice of Acceptance ang St. Dominiv Savio College sa Caloocan City katibayan na tinatanggap nila ito bilang ‘foreign student.’

“This is to inform you that your application for enrollement for 1st Semester School Year 2022-2023 (August-December) will be accepted by the Registration & Administration Office of this institution with the course of Bachelor of Secondary Education, major in English once the processing of your papers has been approved by the Bureau of Immigration,” sabi pa sa Notice of Acceptance na nilagdaan ni Mr. Mario C. Castro, Jr., OIC -Registration & Admission ng St. Dominic Savio College.

Isinusulat ko pa lang ito ay nakaramdam na agad tayo ng lungkot para sa banyagang si Ninaji. Hindi ko siya kilala at wala ring nagla-lobby para siya’y isulat.

Pero ramdam natin kung anong klaseng hirap at lungkot ang pinagdaraanan nito ngayon.

Lalo ang pamilya nito sa bansang Nigeria na labis nag-aalala para sa banyagang mag-aaral.

Wala silang ibang gusto kundi makapag-aral lamang dito sa atin dahil mas mura rito sa Pilipinas at kahit papano ay maganda ang kalidad ng pag-aaral kumpara sa kanilang bansa.

Kung ako kay BI Commssioner Norman Tansingco ay ikokonsidera ko agad ang kaso ni Ninaji kesa naman mag-apply pa ito ng amnesty for refugee na mas sakit sa ulo.

Madali lang ma-check ito. Kung wala namang criminal record at lehitimo naman palang foreign student ay bakit kailangang pahirapan pa.

Mas madaling pakawalan ito kesa sa mga banyagang ‘fugitives’ na pinapakawalan sa BI kamakailan lang.

Umaasa tayong magbibigay ng positibong tugon si Commissioner Tansingco dahil kahit mga empleyado sa NAIA Terminal 3 ay awang-awa na rin sa banyaga.

Kaunting puso ang kailangan dito. Isang puso ng tunay na Kristiyano!