NHA Source: NHA

NHA nakibahagi sa pabahay ni PBBM sa Yolanda victims

January 17, 2025 Jun I. Legaspi 100 views

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kasama si National Housing Authority General Manager Joeben Tai, ang pagkakaloob ng 3,517 na mga pabahay sa mga pamilyang biktima ng Bagyong Yolanda sa ginanap na seremonya sa Burauen Community College, at nagsagawa rin sila ng inspeksyon sa Cool Spring Residences, Brgy. Arado, Burauen, Leyte, noong ika-17 ng Enero, 2025.

Ang mga iginawad na housing unit ay matatagpuan sa Cool Spring Residences, Riverside Community Residences, Mont Eagle Ville Subdivision, Coconut Grove Village, Dagami Town Ville, at Pastrana Ville, lahat sa Leyte; sa Marabut Ville Sites 1 at 2, sa Samar; at sa Culaba Housing Project sa Biliran.

Ipinatupad sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) ng NHA, ang mga loteng may pabahay na iginagawad bilang grant o libre para sa mga kwalipikadong pamilyang lubhang naapektuhan ng bagyo, kung saan sinabi ni Pangulong Marcos na “Para po sa mga benepisyaryo ng Yolanda Permanent Housing Program, hindi ninyo na po kailangan pang magbayad ng amortisasyon. Libre na po ang inyong bahay at lote. Hindi na po kayo sisingilin ng NHA dahil bigay na po ito sa inyo ng pamahalaan.”

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng mga proyekto sa kapakanan at kaligtasan ng mga benepisyaryo.

“Sa pangunguna ng NHA at DHSUD, at kasama ang inyong lokal na pamahalaan, ating binigyang diin na ipagkaloob ang angkop na kabahayan sa ating mga kababayan. Nagpatayo tayo ng mga bahay na matibay at kayang siguruhing ligtas ang inyong pamilya sa gitna ng mga hamon ng kalikasan. Iyan ay dahil sa disaster resilient design na masusing isinagawa ng NHA. Ibig pong sabihin nito, ang ating mga pabahay ay kaya nang labanan ang malakas na hangin at lindol,” saad ng Punong Ehekutibo.

Hiniling din ng Pangulo sa DHSUD at sa NHA na ipagpatuloy ang pagbibigay prayoridad sa pagbuo at pagpapatupad ng mga disenyong angkop sa climate change sa kanilang mga proyekto.

“Sa DHSUD at sa NHA, inaasahan ko na palalawigin pa ninyo ang pagtuklas at paggamit ng mga disenyo ng pabahay na mas matibay at mas angkop sa pagbabago ng klima at mga hamon ng panahon.”

Sa kabilang banda, binigyang-diin ni GM Tai na ginagawa ng NHA ang lahat ng pagsisikap nito upang tapusin ang mga natitirang proyekto sa pabahay sa ilalim ng YPHP.

“Ang ceremonial turnover po na ginaganap ay bilang bahagi ng pagsisikap na tapusin ang mga pabahay para sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda sa mga probinsya ng Leyte, Samar at Biliran.”

Nagpahayag din ng pasasalamat si GM Tai sa mga lokal na pamahalaan sa kanilang patuloy na suporta at pagtitiwala sa NHA.

“Nagpapasalamat ako sa mga pinuno ng mga bayan ng Burauen, Tabontabon, Tanauan, Julita, Marabut, Pastrana, Dagami, at Culaba sa inyong patuloy na tiwala’t koordinasyon para makabuo tayo ng mga masagana at maginhawang komunidad.”

Dumalo rin sa kaganapan sina House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino L. Acuzar, Tingog Party List Jude Acidre, Leyte Governor Carlos Jericho Petilla, Burauen Mayor Juanito E. Renomeron, Tabontabon Mayor Efren D. Redoña, Tanauan Mayor Gina E. Merilo, Julita Mayor Percival S. Caña, Pastrana Mayor Maritess C. Marcos, Dagami Mayor Angelita M. Delusa; Marabut, Samar Mayor Percival A. Ortillo; Culaba, Biliran Mayor Humphrey B. Olimba, at iba pang nasyonal at lokal na opisyal ng pamahalaan.

AUTHOR PROFILE