ng maagaw ang baril
NABIGONG sindakin ng 38-anyos na negosyante ang dati niyang kaklase sa pamamagitan ng pagbunot na baril makaraang maagaw sa kanya ng biktima ang hawak na armas Sabado ng gabi sa Malabon City.
Iniutos na ni Malabon City Police Chief P/Col. Amante Daro ang pagtugis sa suspek na residente ng Barangay Muzon, matapos tumakas nang maagaw sa kanya ng 40-anyos na biktima ng Bgy. Concepcion, ang kalibre .45 baril na umano’y gagamiting “panindak” sa dating kaklase.
Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Bengie Nalogoc at P/Cpl. Rocky Pagindas ng Homicide Division ng Navotas police, nakikipag-inuman umano sa kanyang mga kaibigan ang biktima nang dumating ang suspek dakong alas-10 ng gabi at niyakag ang dating kaklase dahil may ipapakita umano sa kanya.
Pagsapit ng dalawa sa madilim na bahagi ng Bgy. Muzon, bigla umanong binunot ng suspek ang kalibre .45 baril na may magazine na kargado ng pitong bala subalit bago pa umano maitutok sa biktima ay nakipag-agawan na ang huli hanggang sa makuha ang armas.
Dito na nagtatakbo ang suspek palayo kaya’t nagpasiya ang biktima na ibigay sa kanyang kapatid ang baril upang isuko kina P/SSgt. Jerson Bauzon at P/Cpl. Ramrod Reyes ng Navotas Police Sub-Station 7 na nagresponde sa lugar.
Ayon naman sa mga nakasaksi, “ipagyayabang” lamang umano ng suspek sa biktima ang dalang baril subalit inakala ng huli na gagamitin ito sa kanya kaya’t kaagad siyang nakipag-agawan.
Sinabi ng pulisya na kasong grave threat muna ang nakikita nilang kaso na isasampa sa suspek bagama’t puwede pang madagdagan ito kapag nabigo siyang magpakita ng mga papeles na magpapatunay na lisensiyado at may permit to carry ang baril.