New Year’s Resolution na walang solusyon
HINDI ko matandaan kung kahit minsan ay nagtakda na ako ng New Year’s resolution para sa aking sarili.
Taun-taon, marami ang nagkakaroon ng self-imposed resolution sa tuwing magpapalit ang taon. Iyong isang kakilala ko, nangako sa kanyang sarili na kapag pumasok ang bagong taon, hindi na siya mangungutang kahit kailan pero hayun, nakakulong dahil sa estafa.
May kakilala rin ako na nangakong magda-diet bilang New Year’s resolution, sobrang payat naman talaga niya, namumutla, halos nakaluwa na ang mata sa kapayatan. Hayun, namatay sa gutom dahil magmula nang mangakong magdiyeta, hindi na nagtrabaho, umasa na lang sa bigay ng mga kapitbahay. Natodas sa katamaran.
Ganyan din iyong kababata kong sumumpang hindi na iinom ng alak kahit anong pilit sa kanya. Palagi siyang inaaya ng barkadang uminom pero hindi talaga siya natuksong uminom kahit isang patak ng alak. Inabot naman ng high blood, naputukan ng ugat sa batok dahil magmula nang hindi uminom, puro pulutan naman ang nilantakan, paborito pa naman niya ang sisig na mukha ng baboy na tinambakan ng utak at mayonnaise na may sandosenang itlog!
Ang totoo, wala pa akong kakilalang tao na nagtakda ng New Yrear’s Resolution na tinupad niya ito nang buong giliw. Iyong walang kahit anong bakas ng pagbabalik sa dati niyang nakagawian.
Marami nga dyan nagsawa na lang ng kasusulat ng kanilang resolusyon kasi nga nagiging bulaklak na lang ng dila kalaunan. Pero saan ba nagmumula ang isang pangako ng resolusyon? Hindi ba doon sa bad habits, sa bad attitudes at bad ways of doing things?
Sabi nga, may pagkakataong ikaw ang huling nakakaalam na mali na ang iyong ginagawa kapag sumapit na sa oras na hindi mo na kayang baguhin. Iyong sinasabi sa Ingles na na “characters cannot build overnight” ay isang totoo at super totoong katotohanan.
Ang ugali o karakter ng isang tao ay hindi yan nangyari pagkagising mo lang isang umaga. Parang binhi yan na magsisimula sa ilalim ng lupa bago uusbong at magiging ganap na puno. Katulad halimbawa ng pagiging masipag sa trabaho, hindi yan biglang umusbong na sumipag ka lang bigla. Karaniwan, ang work attitude na dala mo kahit anong tago pa ang gawin mo ay lalalabas at labas ang natural.
Kapag isa kang responsableng tao,bitbit mo yan kahit saan, dala mo yan kahit nasa loob ka ng bahay, nasa loob ng opisina or nasa kalsada. Isang ehemplo yan mga barubal na tsuper na walang pakialam sa paligid niya, iyong kahit saan pumaparada, iyong kahit sa pedestrrian lane humihinto para walang makatawid, iyong nagtatapon ng busal ng mais sa kalsada pagkakain, iyong naghahagis ng basura kahit saan, ugali niya yan kahit sa loob ng bahay nila, karakter na niya yan kahit noong nagsisimula siyang magkaisip. Hindi niya biglang naisipan, iyon talaga siya!
Ganoon din sa mga trabahador sa pabrika, sa opisina or kahit saan mang kompanya. Iyong masipag lang kapag may nakabantay ng supervisor, iyong walang pakialam kahit may makitang nakabukas na gripo, iyong walang malasakit kahit nakakalat ang mga office supplies. Iyong empleyadong makikita mong nagsisinop ng gamit ng opisina, iyong nagpapatay ng mga gripong naiwanang bukas, iyong may tulo ang lababo pero sasabihin sa maintenance, iyong nag-aayos ng mga kalat sa opisina at handa sa multi-tasking nang walang nag-uutos, aba’y ginto yan, huwag mong pakakawalan ang ganyang karakter dahil madalang ang ganyan.
Kaya nga totoo rin ang sinasabing “life is what we make it.” Kung ano ang ginagawa mo, kung sino ka at kung paano ka sa araw-araw, iyon mismo ang iyong pagkatao. Kung sino ka at kung ano ka ay hindi mo kayang baguhin ng kahit isang daang New Year’s Resolutions.
Kaya kung ayaw mong tambakan ng mga hindi natutupad na New Year’s Resolution ang iyong sarili, habang bata ka pa ay simulan mo nang maging mabuting tao at ihulma ang iyong sarili ayon sa pamantayan ng madaling makita ang pagkakaiba ng tama at ng mali, ng mabuti at ng masama.
Happy New year sa ating lahat!