Danao

New Year shootout sa Makati, 3 patay 4 sugatan

January 3, 2022 Jonjon Reyes 532 views

SUMUKO sa mga awtoridad ang isang 41-anyos na lalaki , makaraang magpaputok umano ng baril madaling araw ng Enero 1 sa Makati City, kung saan tatlo ang patay at apat ang sugatan.

Kinilala ang suspek na si Roderick Perez, ng Safety and Medical Services Officer ng Red and Blue Medical Services Company at residente ng Blk.17, Lot 21 Magnolia St., Brgy. Rizal , Makati City.

Base sa ulat ni P/ B.Gen.Jimili Macaraeg, District Director ng Southern Police District na isinumite kay NCRPO chief, Major General Vicente Danao Jr., bandang 2:30 a.m. nang maganap ang pamamaril sa harapan ng Block 48 Lot 13 sa Magnolia St., sa Barangay Rizal , Makati City.

Ayon sa report, lulan ng motorsiklo si Perez, habang angkas nito ang kanyang anak na babae na nasa edad 12, nang mapadaan umano ito sa lugar na kung saan naroroon ang mga biktimang kinilalang sina Raymond Libaton, 52 , may asawa at Petronio Del Rosario, 50, may asawa na kapwa namatay noon din.

Si Francis Loyd Libaton, 21, ay idineklarang dead on arrival sa Ospital ng Makati.

Nabatid sa pulisya, sinita umano ni Perez ang mga tao na umano’y nakaharang sa kanilang daraanan at dito na nagsimulang magkainitan sa kanilang pagtatalo.

Dahil dito , umuwi na si Perez at iniwan nito ang anak. Kargado na umano ng kalibre 45 baril ang suspek nang mapatapat sa grupo at pinutukan umano ang mga biktima.

Sugatan naman sa tama ng bala sina Maria Elago 57, Ian Jayson Flores alyas Kate, 26, ng Tomas St., Pasay City; Janet Libaton , 52 may asawa, at Lester Magcaranas 28.

Matapos ang pamamaril , sumuko si Perez sa Comembo Police Station. Hindi narekober ang ginamit nitong baril. Katuwiran ng suspek hindi umano niya alam kung saan nito hinagis ang kanyang 45 kalibreng baril.

AUTHOR PROFILE