Neri Mga larawan mula sa Instagram/@mrsnerimiranda

Neri Miranda may pasilip sa ipinapatayong events place

August 22, 2023 People's Tonight 228 views

IBINIDA ng aktres at misis ni Parokya ni Edgar frontman Chito Miranda na si Neri Miranda ang ipinapatayong events place ng kanilang pamilya.

Sa kanyang Instagram post nitong Linggo, Agosto 20, ipinasilip ni Neri ang magiging itsura ng kanilang events place mula sa mga larawan ng 3D concept design ng nasabing events place.

Ipinagmalaki ni Neri na magkakaroon ng convenience store ang lugar para hindi mahihirapan ang kanilang magiging guests. Nagpaabot din siya ng paanyaya para sa mga business owners na nais maglagay ng paninda sa itinatayong convenience store.

“Magkakaroon na kami ng sarili naming convenience store sa pinapatayuan naming bagong events place. Para hindi na talaga mahirapan pa mga guests kapag may kailangan sila. Walking walking na lang sa garden papuntang store. Kaya kung sino po ang may mga products dyan na gusto itinda sa convenience store namin, mag email lang po sa akin [email protected],” pahayag ni Neri sa caption ng kanyang Instagram post.

Binanggit din ni Neri ang iba pang makikita sa events place nilang may laking 6,000 square meters.

“May dalawang villas, may kanya kanyang bathroom at syempre public restroom, may big kitchen din para sa mga caterers,” aniya.

Gagawin din daw nila itong bahay bakasyunan kung walang guests at maging studion ng pamilya nila.

“Kapag walang guests, dyan ang bagong bakasyunan namin at magiging studio ng Pamilya Miranda sa mga endorsement shoots at syempre pwedeng rentahan ng iba pang brands kahit di kami ang endorsers,” dagdag pa ng aktres.

Inaasahang bubuksan ang kanilang events place sa Disyembre.

“Kaya hintayin nyo ang tour ng Pamilya Miranda this December! Excited na ako!” pahayag pa ni Neri.

AUTHOR PROFILE