Neri Naig

Neri at Chito tutulungan ni Kiko

November 28, 2024 Vinia Vivar 86 views

Nakahandang tumulong ang dating senador na si Atty. Francis “Kiko” Pangilinan sa mag-asawang Chito at Neri Miranda.

Ipinahayag ng mister ni Sharon Cuneta ang magandang intensyon sa Instagram matapos kumpirmahin ni Chito ang nangyari kay Neri.

Matatandaang naglabas ng pahayag si Chito sa IG noong Miyerkules tungkol sa pagkaka-aresto sa asawa at sa mga kasong kinasasangkutan nito.

Ipinaliwanag ng lead vocalist ng Parokya ni Edgar na endorser lang ang kanyang misis at ginamit ito ng isang kumpanya para makakuha ng investors.

“Never nanloko si Neri, at never sya nanlamang sa kapwa. Never siyang kumuha or nanghingi ng pera kahit kanino man,” pahayag niya.

“Eto yung babaeng kinulong ninyo without bail, habang nakalaya pa yung mga tunay na may kasalanan,” pahayag pa ni Chito.

Sa comment section ay nagpahayag ng suporta si Atty. Kiko at nag-offer ng tulong. Bukod dito ay nag-post pa siya sa sariling IG.

“Narito kami handang tumulong, Chito. Ang product endorser ay isang talent at kung walang koneksyon o kinalaman sa ownership or management at operations nung kumpanya na involved sa iligal na operations ay hindi dapat managot sa nasabing iligal na gawain,” pahayag ng dating senador.

“Ako mismo ay saksi sa kabaitan ni Neri. Nabiktima din si Neri ng mga estafador at ang dapat habulin dito ay ang may ari at nagpapatakbo ng kumpanya,” patuloy niya.

Kinukuwestiyon din ni Atty. Kiko ang ligalidad ng pagkaka-aresto kay Neri dahil wala umano itong natanggap na notice base sa pahayag ni Chito.

“At dagdag pa, dahil walang natanggap na anumang mga notice sina Chito at Neri sa kaso, kwestyonable ang ligalidad ng warrant of arrest na dapat kwestyunin sa Hukuman,” ani Kiko.

Hiling din niyang ma-dismiss ang kasong ito o maibalik sa piskalya’t mawalan ng bisa ang arrest warrant.

“Nawa’y ma dismiss na ang kasong ito outright o di kaya maibalik sa piskalya for preliminary investigation at in the meantime ay maquash o ma set aside yung arrest warrant,” ani Kiko.

Sumagot naman si Chito at nagpasalamat sa mister ni Shawie.

“Salamat Kuya Kiko. Sana ma-release si Neri agad kasi wala naman sya notice na natanggap. Handa naman sya humarap sa court kung kelangan eh… pero paano nya idedefend sarili nya eh warrant na agad binigay sa kanya na walang bail,” saad ni Chito.

Matatandaang inaresto si Neri noong Nov. 23 sa isang convention center sa isang mall kung saan ay isa siyang guest speaker sa event.

Ayon sa Southern Police District, si Neri ay no. 7 sa listahan ng “most wanted person” due to 14 counts of violating the Securities Regulation Code with recommended bail of P126,000 for each count.

Bukod dito ay may kaso rin siyang syndicated estafa na non-bailable.

Sa kasalukuyan ay nakakulong si Neri sa Pasay City Jail Female Dormitory.

AUTHOR PROFILE