Negosyante nasaksak ng house helper habang nagtatalo, sugatan

December 18, 2022 Edd Reyes 85 views

SUGATAN ang 64-anyos na negosyante nang saksakin ng kanyang house helper matapos ang kanilang pagtatalo Sabado ng hapon sa Malabon City.

Kung hindi kaagad nakatakbong palabas ng kanilang bahay sa 1st Street, Brgy. Tañong sa naturang lungsod ang biktimang si Edgardo Manggay, malamang na mas matindi pang pinsala ang kanyang natamo nang saksakin ng kanyang house helper na si Jazel Casin, 22.

Sa isinumiteng ulat nina P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt. Michael Oben ng Station Investigation Unit kay Malabon Police Chief P/Col. Amante Daro, nagroronda ang mga barangay tanod na sina Mario Dela Cruz at Romeo Bayles ng Barangay Tañong nang makita nila ang duguang biktima na tumatakbong palabas ng kanilang bahay dakong alas-3:30 p.m.

Isinakay ng mga tanod sa nagdaraang tricycle ang duguang biktima at iniutos na isugod kaagad sa Tondo Medical Center upang malapatan ng lunas.

Nang matuklasan ng mga tanod na biktima ng pananaksak ang negosyante, kaagad nilang pinuntahan ang bahay at inabutan  sa loob ang suspek na may bahid pa ng dugo ang mga kamay kaya’t kaagad siyang inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya.

Sa naging pahayag sa pulisya ng mga kapitbahay ng biktima, madalas umanong magkaroon ng pagtatalo ang mag-amo dahil sa mga bagay na hindi nila pinagkakaunawaan.

Inihahanda na ng puisya ang kasong tangkang pagpatay na isasampa laban sa suspek nan aka-detine na sa Malabon Police Custodial Facility.

AUTHOR PROFILE