Negosyante nakitang dedo sa loob ng Fortuner

May 24, 2021 Melnie Ragasa-limena 41 views

WALA ng buhay at may tama ng baril nang matagpuan ang bangkay ng isang negosyante sa loob ng kaniyang minamanehong sasakyan sa Barangay Sto Nino, Quezon City, nitong Sabado ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Jose Alfredo Galvez Ong Jr., 32, negosyante, residente ng 2062 Mindanao Ave., Sta. Mesa, Manila.

Sa inisyal na report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-9:30 ng gabi (May 22) nang matagpuan ang bangkay ni Ong Jr., sa nakaparadang itim na Fortuner na may plakang NAZ 7279 sa kanto ng Tomas Pin Pin at Santol Sts., Brgy. Sto. Niño,Quezon City.

Batay sa pahayag kay PMSG Julius Balbuena, ng saksing si Jeffrey Matias, tanod ng Barangay Sto Niño, nakita umano niya ang Fortuner na naka-hazard mode at nang kaniyang silipin sa bintana ay bumungad ang duguang katawan ng biktima.

Agad niyang inireport sa mga awtoridad ang natuklasan at doon ay nadiskubreng may isang tama ng bala sa ulo ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang biktima.