Default Thumbnail

Negosyante nagka-COVID kaya di nakadalo sa hearing

January 28, 2022 Jonjon Reyes 282 views

DINEPENSAHAN ng kampo ng negosyanteng si Quezon City 5th District congressional candidate Rose Nono-Lin ang paratang na tinatakasan nito ang hearing sa Senate Blue Ribbon Committee bilang testigo sa Pharmally probe.

Ipinagtataka ni Atty.Alma Fernandez-Mallonga kung bakit kasama ang negosyante sa ipinaaaresto ng Blue Ribbon Committee Chairman kahit nag-abiso na si Lin na positibo ito sa COVID-19.

Batay sa resulta ng RT-PCR ng 39-anyos na negosyante, nagpositibo ito sa virus noong Miyerkules, January 26.

Pero Martes pa lamang ay hindi na ito sumipot sa kanyang mga event na paglilibot sa kanyang mga kababayan bilang kandidato sa pagkakongresista ng ikalimang distrito ng QC.

Giit ng kanyang abogado, bukod sa sertipikasyon ng kanyang family physician ay sinuri din siya ng isang via teleconsult kayat nag-abiso ito sa committee tungkol sa kaniyang kalagayan.

Dahil siya ay COVID positive, pinayuhan si Lin ng kanyang doctor na mag-quarantine at magpahinga dahil nakakaramdam na rin ng pananakit ng tagiliran na posibleng may kinalaman sa abnormalidad sa colon at pamamaga ng kaniyang gallbladder.

Giit din ni Atty. Mallonga na pitong beses at walang pagliliban na uma-attend ng pagdinig tuwing iimbitahan ang kanyang kliyente mula noong September 21hanggang December 3, 2021.

Binigyan diin pa ng kampo ni Lin na hindi ito nagpapalusot at wala siyang intensiyong balewalain o takasan ang paanyaya ng senate blue ribbon pero ang kanyang hindi pagdalo kahapon ay dala ng medical condition na hindi na niya kontrolado.

AUTHOR PROFILE