Cops Nakipag-dayalogo si Nueva Ecija police chief PCol. Ferdinand Germino sa mga pulitiko sa ikaapat na distrito ng lalawigan para sa mapayapang halalan sa Mayo 12. Kuha ni Steve Gosuico

NE cop chief tiniyak mapayapang halalan

January 19, 2025 Steve A. Gosuico 88 views

CABANATUAN CITY–Nakipag-usap ang hepe ng Nueva Ecija police sa mga kandidato at lider pulitika sa Jaen, San Leonardo, Gapan City, Cabiao, San Isidro, General Tinio at Peñaranda para matiyak ang mapayapang eleksyon sa Mayo 12.

Ayon kay PCol. Ferdinand Germino, ginawa niya ang mga interaksyon upang tugunan ang hinaing ng mga kandidato at hikayatin sila na sumunod sa mga alituntunin ng Philippine National Police at Commission on Elections sa pagkakaroon ng isang ligtas, patas at mapayapang halalan.

Ang mga pagpupulong na ito nakatanggap ng positibong feedback at mga pangako mula sa mga kandidato, ani Germino.

Kabilang sa mga aspirante na binisita niya sina Mayor Sylvia C. Austria at Vice Mayor Sylvester C. Austria, Eboy Esquivel at Larry Manuel sa Jaen; Mayor Ramil B. Rivera sa Cabiao; Mayor Ante Tinio at Cesario “Dong” Lopez sa San Isidro; Mayor Elan Nagaño, ang kanyang asawa-Dr. Maricel Natividad-Nagaño sa San Leonardo; Mayor Joy Pascual sa Gapan City; Mayor Joey Ramos, Blueboy Abesamis, at Edmund Abesamis sa Peñaranda; at Sherry Ann Bolisay sa General Tinio.

Sa pagdaraos ng mga personal na pakikipag-ugnayan na ito, sinabi ni Germino na nais niyang magtakda ng benchmark para sundin ng kanyang mga chief of police.

Idinagdag niya na ang inisyatibong ito naaayon sa direktiba ni Police Regional Office 3 director Brig.Gen. Jean Fajardo na dapat non-partisan ang kapulisan.

AUTHOR PROFILE