Estomo

NCRPO chief nagpakalat ng MM mobile outpost

September 27, 2022 Edd Reyes 114 views

BILANG agarang pagtugon sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan, pinakalat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo ang mga mobile outpost ng pulisya sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila (MM).

Ayon kay P/Lt. Col. Dexter Verzola, ang pagpapakalat ng mga mobile outpost ni Gen. Estomo by nakabatay sa programang S.A.F.E. (Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions) NCRPO ung saan dapat ay laging nakikita ang nararamdaman ang presensiya ng pulisya upang lalong mapaigting ang pagbabantay sa mamamayan.

Aniya, kaya tinawag itong mobile outpost ay puwedeng ilagay ang mga ito kung saan mas kinakailangan, tulad ng mga terminal ng bus at sa iba pang mga matataong lugar para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at lahat ng mamamayan.

“Makikita ninyo, isa ang inilagay natin dito sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) dahil isa itong transportation hub kung saan pumupunta rito ang mga biyahero na galing sa iba’t-ibang probinsiya o palabas ng Metro Manila,” pahayag ni Verzola.

Tiniyak din ng opisyal na hindi lamang sa mga transportation hub sila maglalagay ng mobile outpost kundi sa mga malalaking malls at iba pang mga pamilihan dahil inaasahang dadagsa ang mga tao sa ganitong uri ng lugar ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan.

Si Verzola ang kumatawan kay Estomo sa pagbisita at pagsasagawa ng inspeksiyon sa bagong mobile outpost sa labas ng PITX, Martes ng umaga.

AUTHOR PROFILE