NCAP perwisyo pa rin

November 24, 2022 Paul M. Gutierrez 80 views

PaulIBINABANDERA ngayon ng mga kumita, este, proponents, na ang No Contact Apprehension Program o NCAP ay epektibo (daw) sa trapik at disiplina ng mga motorista.

Ayon umano ito sa chief executive officer ng Stratbase-ADRI Dindo Manhit at pinapalabas na sa isang survey umano na hindi natin alam kung may kredibilidad ba o wala, na pabor daw ang 80 porsiyento ng mga Pilipino dito sa NCAP. Duh.

Ayon umano sa survey na epektibo umano ang NCAP pinapalabas dito na nagkakaroon umano ng disiplina ang mga motorista dahil “epektibo” umano ang surveillance system na nakatutuok sa kanila.

E di wow! Ang galing pala ng NCAP pero anong datos nito na magsasabi na naging disiplinado nga ang mga driver kung marami ang napeperwisyo dito dahilan para lumapit sa Korte Suprema?

At isa pa, isa nga sa mga dahilan kung bakit ito inirereklamo na nakakaperwisyo dahil hindi makatarungan ang panghuhuling ginagawa dito na nakabase lamang sa kamera.

Halimbawa ng mga naperwisyo dito ay ang mga operator ng taxi. Hindi naman ang driver ang napeperwisyo kundi ang operator. Operator ang nagbabayad ng violation ng driver.

Kaya itong driver ng taxi na alam niyang hindi siya ang magbabayad ng violation na ito kundi ang operator, mas lalong nawawalan ng disiplina sa kalsada. Kung ako ang driver ng taxi at sisingilin naman sa akin ng operator ang libo-libong piso na multa sa NCAP ay mahahanap na lang ako ng iba pang may taxi.

Sino ang naiwang kawawa? E di ang operator. Sino ang kumita at nakinabang? E di ang nagpapatupad ng NCAP. Ang tanong makatarungan ba yun?

Isa pa, kung totoong epektibo ito sa trapiko, may datos na bang magpapakita na nabawasan ang trapik sa Metro Manila o sa mga lungsod na nagpapatupad nito?

Sa ganang akin po na ako’y may minamanehong sasakyan ay wala pong pagbabago sa trapiko kahit may NCAP partikular sa Lungsod ng Maynila kung nasaan ang National Press Club.

Pero ang isang malaking tanong pa rin at sana ay masagot ng kaibigan nating si Atty. Ariel Inton na siyang pinakamaingay sa pagtutol sa NCAP kung mayroon na bang naipakitang Memorandum of Agreement (MOA) sa NCAP mula ng ipinatupad ito?

Dito kasi sa MOA makikita ang laman ng mga pinagkasunduan ng mga LGU at NCAP. Lumalabas din kasi na ang nakukuhang pera nga mula sa NCAP na binayad ng mga nahuli dito ay napupunta sa isang NCAP trust fund at hindi sa general fund ng LGU o gobyerno.

At tulad ng malaking tanong natin dati pa ay bakit kailangan pang gumawa ng isang trust fund at hindi na ilagay ito sa general fund gaya ng kung ang dapat na ginagawa? Dahil ayon kay Atty. Inton, kapag gumagawa ng trust fund kailangang malinaw na nakalagay ang purpose o layunin nito.

At kailan pa naging ‘enforcer’ ang LTO ng isang kontrata sa pagitan ng LGU at isang pribadong kumpanya na ayon pa sa palusot, agh, paliwanag ng LTO ay wala naman silang kinikita?

Dahil wala pang malinaw sa ngayon na totoong MOA na nakikita ang publiko, ay hindi malinaw kung para saan ang trust fund. Ang malinaw lang sa mga dokumento na mayroon si Atty. Inton, may komite daw na nangangasiwa dito na appointed ng mayor at sudject sa COA (Commission on Audit) audit.

Kung napupunta sa trust fund ang nakukuhang pera mula sa NCAP, ang tanong ngayong naglabas ng TRO (temporary restraining order) ang Korte Suprema ay intact pa ba o naririyan pa ba ang perang iyan?

Magkano pa ang nasa trust fund? Ilan na ang na-withdraw at sinu-sino ang pwedeng mag-withdraw? Kung hindi na intact ang pera, saan ito ginamit? Saan na ito napunta?

May panahon mag-survey ang Stratbase-ADRI pero sana ay nalaman din nila ang mga sagot sa tanong na ito. Dahil siyempre, unang-unang magsasabi na maganda ang NCAP ay ang nakikinabang dito. Pero ang mahalagang tanong din ano ang pakinabang dito sa NCAP at sinu-sino ang totoong nakikinabang?

Ipinagmamalaking matatanggal umano ng NCAP ang kotong sa kalsada pero mas malaking kotong o sa isang sistematikong kotong nahaharap ang ating mga motorista. Dahil sa kalsada ang mga violation ay hindi lahat naiintindihan ng kamera. Dahil may mga pagkakataon na may punto at dahilan ang mga motorista na tama.

Ngayon kung NCAP, paano maiko-contest ang violation mo? Dadaan ka sa mahirap na proseso na sila ang gumawa para isipin na sayang lang ang panahon kung magrereklamo kasi wala namang mangyayari. Ganyan po ang nangyayari dyan. Mapipilitan na lang magbayad ang motorista kahit na hindi tama ang pagkakahuli sa kaniya.

Akala naman ng mga LGU na nagpapatupad ng NCAP ay napakaganda ng sistema ng trapiko nila. Dahil sa NCAP malamang na unahin nilang ayusin ang mga kamera nila kesa mga traffic lights nila. Ganoon lamang kasimple yan.

Hindi po natin sinasabing totally na hindi magandang ideya ang NCAP. Pero sa nangyayari sa ngayon at nakikita natin at nararanasan mas nakakaperwisyo ito sa mga motorista lalo na yung mga walang kalaban-laban.

Sana nga po ay matuloy na ang imbestigasyon dito at makapagpatawag ang Kongreso at Senado para malaman na ng lahat ang buong detalye ng NCAP.

Malaman natin kung magkano ba ang gastos ng mga LGU dito, magkano ang kinikita at sinu-sino ang kumikita. Malaman din natin kung saan napupunta ang kinikita mula dito.

Sa ganang atin po, hindi po ang inyong lingkod ang maniniwala sa survey na yan para lamang pabanguhin ang mabahong NCAP na yan. Hindi nga iyan maipagtanggol mabuti ng mga promotor niyan.

Nagsalita na po ba ang kagaya nila dating Department of Transportation Sec. Art Tugade at dating LTO chief Assistance Secretary Edgar Galvante? Sa termino po nila ipinatupad ang NCAP na ito.

Pero kahit sila tahimik dito. Bakit hindi ninyo maipagtanggol itong kabulastugan na ito, mga bosing?

AUTHOR PROFILE