
NBI Director Santiago kay Maharlika: Namumuro ka na
BINALAAN ni National Bureau of investigation (NBI) Director Jaime Santiago na malapit nang managot ang vlogger na si Claire ‘Maharlika’ Contreras dahil sa umano’y mga fake news at pagmamarites nito.
Sa Meet the Manila Press news forum noong Huwebes, sinabi ng NBI chief na nagsasagawa na sila ng case build-up laban kay Maharlika dahil sa pagkakalat nito ng fake news tungkol kay First Lady Liza Araneta Marcos na isinasangkot pa sa pagkamatay sa business tycoon na si Paolo Tantoco.
Nagbabala rin si Santiago sa iba pang vloggers na maging responsable sa ibinibahagi nilang impormasyon sa social media na ayon sa kanya’y “freedom of speech is not absolute.”
Huwag maniwala o sumali sa mga nang hihimok ng people power, payo ng NBI chief.
Ayon kay Santiago, kung may magtatawag ng people power dapat nakalantad ang nagtatawag at hindi nakatago gaya ng panawagan ng vlogger.
”Yung mga sira ulo na wala naman yung lider na manghihikayat na pupunta pero nagtatago tapos inaaya ang publiko na lumabas sa lansangan pero nagtatago o wala yung nanghihimok na pumunta sa Edsa.
Hindi sila lider para manghikayat ang mga ito, mga hunghang ang mga yan.
I’m sorry sa aking words,” sambit ng NBI director.
“Kasi nakakagalit dahil magtatawag ka ng people power pero nagtatago. Kung matapang ka labas ka rito, halika,” pagtatapos ng director.