Navotas, nasungkit ang Hall of Famer sa Local Revenue Generation

November 2, 2022 Edd Reyes 105 views

Edd ReyesNASUNGKIT ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang pinakamataas na pagkilala at pagkakamit bilang Hall of Famer sa Local Revenue Generation kaya ganoon na lang ang kasiyahan ni Mayor John Rey Tiangco.

Sabi ng alkalde, sila ang kauna-unahang lungsod na nabigyan ng ganitong pagkilala ng Bureau of Local Government Finance at malaki aniyang bahagi ng parangal ay dahil sa suporta ng kanilang mamamayan na maaga at wasto sa oras ang pagbabayad ng buwis.

Ayon pa kay Mayor Tiangco, ang pondong nakakalap sa ibinabayad na buwis, ay ginagamit ng lokal na pamahalaan sa pagkakaloob ng serbisyo at programang inihahandog nila sa mga Navoteño kaya walang tigil ang kanyang pasasalamat sa tuloy-tuloy na suporta at tiwala ng mamamayan.

Totoo naman ang pahayag ng alkalde dahil kamakailan nga lang, pinangunahan niya ang groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng apat na palapag na karagdagang gusali ng Tanza Elementary School na may 12-silid-aralan at North Bay Boulevard Elem. School na may 20 namang silid-aralan.

Nais kasi ng alkalde na matiyak na may sapat na silid-aralan ang mga estudyante sa Navotas ngayong simula na ng face-to-face classes at gusto niyang maging komportable ang mga mag-aaral sa kanilang pagpasok sa paaralan.

Hindi lang naman ito ang ipinatayong gusaling pampaaralan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas dahil noong buwan ng Setyembre, isinagawa rin ang seremonya ng groundbreaking para sa pagtatayo ng Navotas National High School at Tangos Elem. School na sinundan pa noong nakaraang Oktubre 7 ng pagtatayo naman ng Kaunlaran High School at San Rafael Village Elementary School at ito’y naisasakatuparan ni Mayor Tiangco dahil sa maayos na koleksiyon at pagbabayad ng buwis ng mga mamamayan.

Ilegal na aktibidad, nahintong pansamantala dahil kay “Paeng”

NAKATULONG kahit papaano ang paghagupit ng bagyong Paeng kay Batangas Police Provincial Director P/Col. Pedro Soliba sa kanyang kampanya laban sa ilegal na sugal sa nasasakupang lalawigan dahil natigil pansamantala ang operasyon ng mga ilegalistang binansagan sa mga alyas na Tessie, Yolanda at Ronald.

Inireport daw kasi ni Tanauan police chief P/Lt, Karlos Lanuga na sarado ang operasyon ng mga mesa ng ilegal na sugal sa Tanauan Proper sa Barangan Uno habang wala ring nagawa si Alyas Tessie kundi isara ang kanyang mga puwesto sa mga Barangay Balabag, Balintawak at Sabang dahil matindi ang hagupit ng bagyo, gayundin ang puwesto ni alyas Yolanda sa Laurel Highway sa Malvar Poblacion.

Pero dahil gumanda na ang panahon, tiyak na babawi sila kaya dapat maging alisto ang mga tauhan ni Col. Soliba para naman hindi maapektuhan ang magandang career ni Regional Director BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr.,ng Calabarzon Police Regional Office 4A.

Wala rin kasing iniwan ang problema ni Col. Soliba kay San Rafael, Bulacan police chief P/Lt. Isagani Enriquez dahil palagi silang nalulusutan ni alyas “Jr” na may puwesto ng ilegal na aktibidad sa basketball court ng Brgy. Caingin sa bayan ng San Rafael.

Sa halip na ma-enjoy ng mga kabataan ang paglalaro sa Caingin basketball court, mukhang sa ilegal na sugal pa yata sila mahuhumaling.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

AUTHOR PROFILE