Default Thumbnail

Nat’l ID registration puwede na sa Manila Zoo

February 10, 2023 Edd Reyes 229 views

INIHAYAG ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na puwede ng magparehistro at makakuha ng kanilang National Identification Card o PhilID sa Manila Zoological and Botanical Garden o Manila Zoo sa M. Adriatico St. Malate.

Ikinalugod ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pagiging magkatuwang ng Philippine Statistics Authority (PSA) at ng Manila Zoological and Botanical Garden na buksan sa publiko ang pagpaparehisto sa mga ninanais na makakuha ng kanilang ePhilID sa Manila Zoo na patuloy na dinadagsa ng maraming tao.

Bukas ang pagpaparehistro ng ala-1 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi tuwing araw ng Lunes habang mula Martes hanggang Linggo ay sisimulan ang pagpaparehistro ng alas-9 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

Ayon sa PSA, ang mga batang may edad na mula lima hanggang 14 taong gulang na kasama ang kanilang magulang o legal na tagapag-alaga na magpaparehistro ng PhilID ay kailangang magdala ng orihinal na kopya ng kanilang school ID o Certificate of Live Birth na galing sa naturang ahensiya.

Sa mga may edad namang 15 pataas, ang kailangan nilang dalhin ay mga pangunahin o sekundaryong dokumento kung nais na magparehistro.

Kabilang sa mga pangunahing dokumento ang Certificate of Live Birth o sertipiko ng kapanganakan mula sa PSA, isang ID na ini-isyu ng gobyerno na naroon ang kanilang pangalan, nakaharap na larawan ang lagda o thumb mark, pasaporte na mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), GSIS o SSS ID, at lisensiya sa pagmamaneho mula sa Land Transportation Office (LTO).

Kabilang naman sa sekundaryo o pangalawang dokumento na puwedeng dalhin sa pagpaparehistro ang birth certificate mula sa Local Civil Registry Office ng lokal na pamahalaan, patunay mula sa PSA na ipinanganak o Certificate of Foundling, Integrated Bar of the Philippines (IBP) ID, Professional Regulatory Commission (PRC) ID, Seaman’s book o Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ID.

Maaari rin ang Senior Citizen’s ID, Pantawid Pamilyang Pilipino Prorgram (4Ps) ID, lisensiya sa pag-aari ng baril, NBI at Police Clearance, Solo Parent’s ID, Persons with Disability (PWD) ID, voter at postal ID, Taxpayer Indentification Number (TIN) ID, PhilHealth ID, Philippine Retirement Authority (PRA) ID at maging ng national ID at residence ID mula sa ibang bansa.

Hinimok ng alkalde ang publiko na samantalahin ang pagbubukas ng pagpaparehistro para sa national ID sa loob ng Manila Zoo habang masayang namamasyal, kasama ang pamilya at mahal sa buhay sa naturang parke.

AUTHOR PROFILE