‘National Vaccination Drive’

November 26, 2021 Paul M. Gutierrez 72 views

PaulPINAGHAHANDAAN ngayon ng pamahalaan ang darating na National Vaccination Drive (NVD) na gaganapin sa ika-29 ng Nobyembre hanggang unang araw ng Disyembre. Target sa tatlong araw na ito na mabakunahan ang nasa 15 milyong Pilipino sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila.

Ito na ang sinasabing pinaka-ambisyosong hakbang upang maabot ng gobyerno ang target nitong mabakunahan ang 70 porsiyento ng populasyon ngayong taon. Sa kasalukuyan nasa 30 porsyento pa lamang ang nababakunahan; lubhang malayo pa ito sa target ng gobyerno.

Ngayon tinitiyak na sapat ang supply ng bakuna sa bansa para sa vaccination drive na ito. Patuloy ang pagdating ng mga bakuna mula sa ibang bansa.

Subalit isa sa mga nagiging problema ng gobyerno ay ang kakulangan ng mga volunteer para sa three-day vaccination drive na ito. Nasa 100,000 libong volunteers ang kinakailangan para sa proyektong ito.

Kaya naman nananawagan ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga nais mag-volunteer para sa NVD.

Partikular na tinukoy ng DILG ang mga pribado at publikong kolehiyo at unibersidad lalo na sa mga may medical and related courses para makatulong sa proyektong ito ng pamahalaan.

Kasama sa mga kailangan para sa mga NVD ang mga doktor, nurse, pharmacists, dentista, midwives, paramedics, guro at mga propesor.

Maliban sa mga magbabakuna, sila ang mga magiging health screeners, vaccinators, post-vaccination monitors, encoders, data consolidators at health educators.

Syempre ito ay nasa diwa ng Bayanihan. Ito ang nakikitang paraan nang pagtutulungan upang magtagumpay ang bansa sa pandemyang ito.

Ibig sabihin, may mahalagang parte ang bawat isa para maging matagumpay ang NVD.

Totoong may mga kababayan tayo na tutugon para tumulong o makipagbayanihan para sa NVD.

Magbibigay sila ng kanilang libreng serbisyo sa diwa nang nais makatulong.

Pero kung nais ng gobyerno na maging matagumpay ang NVD, kinakailangang may maibigay din para sa mga magvo-volunteer para dito.

Kahit maliit na halaga o tulong na maaari ding maibigay sa kanila. Ika nga eh, maski pamasahe lang o pang-lugaw man lang.

Hindi naman siguro mabigat na may maiabot at maitulong din sa kanila. Sa ganitong diwa, baka mas ganahan sa pagtulong ang ating mga kababayan at baka mas marami pa mahikayat para mag-volunteer para dito.

Isang magandang hakbang ito kahit na ambisyoso kung titignan. Lagi ang tanong kung kaya nga ba ang 15 milyon sa isang araw? Paano kung hindi ito maabot? Ititigil na ba ang ganitong vaccination drive?

Magiging magandang sukatan ang NVD na ito na magsisimula sa ika-29 ng Nobyembre upang makita ang kahandaan ng gobyerno at pagtanggap ng mamamayan para sa bakuna.

Sa tingin natin ay mas nagiging bukas na ang publiko sa bakuna kumpara nitong mga nakaraang buwan o taon.

Isang magandang pagkakataon din ito upang maaral pa ng gobyerno ang mga dapat nitong ma-improve sa mga ganitong vaccination drive.

Mabuti na magkaroon kesa wala. Sa huli, ang pagnanais naman na maibalik ang ating normal na pamumuhay ang mahalaga para sa lahat at ang tanging daan sa ngayon ay ang magkaroon ng bakuna.

AUTHOR PROFILE