Default Thumbnail

Nasawi dahil sa masamang panahon, umakyat sa 44

February 1, 2023 Zaida I. Delos Reyes 207 views

UMAKYAT na sa 44 katao ang naiulat na nasawi dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan dulot ng masamang panahon sa iba’t-ibang panig ng bansa simula pa noong Enero 2, taong kasalukuyan.

Ito ang iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Miyerkules.

Ang masamang panahon ay bunga narin ng epekto ng low-pressure area, shear line, at Northeast monsoon.

Kabilang sa mga naapektuhang lugar ang Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa bilang ng mga nasaasawi, 20 ang kumpirmado.

Sa pinakahuling ulat ng OCD, 11 katao ang nasugatan at walo ang naiulat na nawawala.

Umabot din sa 497,774 pamilya o 2,047,222 katao ang apektado ng masamang lagay ng panahon sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Tinatayang nasa P1.059 billion naman ang napinsala sa agrikultura at P521 million sa impraskraktura, habang nasa 1,888 na kabahayan naman ang napinsala.

Kaugnay nito, umabot na rin sa P114.4 million halaga ng tulong ang naipamahagi ng gobyerno sa mga naapektuhan ng masamang lagay ng panahon.