Nasaan na ang sikat na radio personality na si Tita Claving?
NOONG 1970s, bago pa man nauso ang social media, ay may isang personalidad na kinatuwaan ng publiko. Sumikat siya sa radyo dahilan sa kanyang maingay pero nakatutuwang pagbabalita tungkol sa mga artista. Ang kanyang pangalan: Tita Claving.
“Yes, sikat na sikat ako noon pero bihira ang nakaaalam kung ano itsura ko,” aniya.
Pero nasaan na ba siya ngayon?
Natagpuan namin si Tita Claving sa Los Angeles, California sa kanyang sariling beauty shop sa 3900 Beverly Blvd. tapat ng sikat na Filipino fastfood chain na Jollibee. Ito ang Georgio Leonard Hair Salon na hango sa kanyang tunay na pangalan.
“Naalala ko nung araw, nakasakay ako sa isang dyip sa Maynila papunta sa radio station, may dalawang babaeng nag-uusap,” kuwento ni Tita Claving (o Georgio Leonard Cerenado sa totoong buhay). “Pinag-uusapan nila si Tita Claving. Nagmamadali dahil pakikinggan daw nila kung ano ang latest. Hindi nila alam, ako ‘yung kasakay nila.”
Sa panahon ngayon, si Tita Claving ang katumbas ng isang Ogie Diaz o Boy Abunda noon.
Pero dahil sa isang pagkakataon, pumunta siya sa Amerika noong 1978 para makipagsapalaran. Kung anu-anong trabaho ang sinubok niya, hanggang matuklasan niyang mahusay siya sa interior decorating, gayundin sa pagmi-make up at pagpapaganda ng mga babae. “Dumami ang kliyente ko at nagtuluy-tuloy na,” aniya.
Hanggang maitayo niya ang kanyang salon, na hindi nababawasan ang dami ng mga kliyente. “Hanggang ngayon, madaldal pa rin ako,” inamin niya. “Para ka pa ring nakikinig sa radyo pag kausap mo ako. Kaya natutuwa ang mga kostumer ko.”
Nagkaroon din ng pagkakataong lumabas sa pelikula si Tita Claving. “Naku, matagal na yun. Di ko na matandaan ang title. Pero ang kasama ko dun, si Susan Henson.”
(Si Susan Henson ay isa sa may pinakamagandang mukha sa kanyang henerasyon. Pumanaw siya noong 2020 dahil sa matagal na inindang sakit.)
Pero nagamit pa ni Tita Claving ang pag-aartista niya nang makasama siya sa stage play na “Hanggang Dito Na Lamang at Maraming Salamat” ni Orlando Nadres at dinirek ni Felino Tanada sa Amerika.
“Those were the days,” aniya habang hinihimas ang kanyang mga aso. “I have a good life, salamat sa Diyos. Siyempre, hindi naman nawawala ang mga drama sa buhay pero overall, masaya talaga.”