Castro

NASAAN MALASAKIT NI VP SARA?

August 10, 2024 People's Tonight 73 views

Sa edukasyon? Confi funds inuna — Castro

HINDI naniniwala si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na totoong mayroong malasakit si Vice President Sara Duterte sa edukasyon ng bansa at tinangkang itama ang maling prayoridad sa pondo nito.

Ayon kay Castro, patunay dito ang paghingi ni Duterte ng confidential fund para sa Department of Education (DepEd) noong siya pa ang namumuno rito.

“Saan banda?! Ang ginawa lang niya ay humingi ng confidential funds gamit ang DepEd na di naman nito mandato at hanggang ngayon ay di pa din maayos na naipapaliwanag. Wala din siyang ginawa para itaas ang budget ng DepEd sa UN (United Nations) standards o katumbas ng 6% ng GDP (gross domestic product) ng bansa,” ani Castro.

Sinabi ni Casto na nabigo si Duterte na tugunan ang problema sa sektor ng edukasyon nang pamunuan niya ito.

“Ni hindi man lang niya itinaas ang bilang ng mga pinapagawang classroom at hanggang ngayon ay mahigit 150,000 pa din ang kulang. Hindi rin niya inilaban ang substantial na dagdag sahod ng mga guro at education support personnel. Ang ginawa niya ay pinamanmanan ang mga guro, pinatanggal ang mga educational decorations sa classrooms at lalo pang pinahirapan ang mga guro at mag-aaral sa Matatag curriculum na hindi man lang sila nakonsulta,” saad pa ni Castro.

Naniniwala rin si Castro na hindi totoo na mayroong malasakit si Duterte sa sektor ng edukasyon kaya ito nagbitiw bilang kalihim ng DepEd kundi mayroon itong personal na interes.

“Huwag na siyang magpalusot sa pa-resign sa DepEd, alam naman ng karamihan na hindi lang niya nakuha ang gusto niya kaya ngayon ay nagmamaktol sya,” giit ni Castro.

Nanawagan si Castro sa gobyerno na pagtuunan ng pansin ang mga problema gaya ng kakulangan ng klasrum at kulang na sahod ng mga guro at education support staff.

AUTHOR PROFILE